Matapos magsuspinde dahil sa NcoV ilang Chinese school, may klase na!
MANILA, Philippines — Balik-klase na ang ilang Chinese school na nagsuspinde ng klase sa loob ng halos dalawang linggo dahil sa banta ng coronavirus.
Kabilang sa nagbalik-eskuwela kahapon ang mga estudyante ng Hope Christian High School (Tondo) at Tiong Se Academy (Binondo).
May pasok na rin umano ang St. Stephen’s High School (Tondo), ngunit kailangang mag-fill out ng Health Declaration Form bago pumasok sa paaralan.
May pasok na rin sa kolehiyo simula kahapon ang Chiang Jai Shek College sa Tondo.
Habang magbabalik naman ang klase ng kanilang Senior High School at Junior High School bukas, February 12 at sa February 17 o sa susunod na Lunes naman ang pagbabalik-klase ng mga estudyante sa grade school at pre-school.
Nag-anunsyo na rin na may pasok ngayong araw ang Senior High School sa Philippine Cultural College (Tondo).
Ngayon naman magbabalik ang klase ng kanilang Junior High School at bukas ang mga nasa grade school, habang sa February 17 o sa susunod na Lunes pa ang pasok ng Kinder.
Sa Saint Jude Catholic School (San Miguel), may pasok na ang mga estudyante ng Early Childhood Department, Junior High School at Pre-University Programs gaya ng Senior High School at International Baccalaureate Diploma Programme. Ngayon ang pagbabalik ng Elementary Department.
Habang nananatili pa ring walang pasok ang Uno High School (Tondo) at inaabisuhan ang mga miyembro ng kanilang komunidad na maghintay na lamang ng anunsyo.
- Latest