Duallo Criminal Group leader, arestado ng MPD
MANILA, Philippines — Himas-rehas na ang itinuturong lider ng notoryus na Duallo Group matapos na madakip ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) sa isinagawang operasyon sa Bataan..
Nakilala ang suspek na si Richiepol Abaigar Duallo, 20, residente ng Tabon St., Malaria, Tala, Caloocan City.
Batay sa ulat ng MPD-Police Station 1, naaresto ang suspek dakong alas-7 ng gabi ng Nobyembre 11, sa Phase 1, Brgy. Mabuco, sa Hermosa, Bataan.
Hindi na nakapalag pa ang suspek nang silbihan ng mga awtoridad ng arrest warrant na inisyu ni Caloocan City Presiding Judge Rodrigo Flores Pascua Jr, ng Regional Trial Court (RTC) Branch 122, sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002, na may petsang Setyembre 13, 2024.
Ayon sa pulisya, ang Duallo group ay sangkot sa serye ng holdap sa mga pampasaherong jeep sa Mel Lopez Boulevard at Honorio Lopez Boulevard.
Modus ng grupo na mangpanggap na pasahero saka magdedeklara ng holdap.
Sangkot din si Duallo sa illegal drug activities.
Nakapiit na ang suspek habang patuloy namang pinaghahanap ng pulisya ang iba pang miyembro ng Duallo Criminal group.
- Latest