Imbestigasyon ng NBI sa pagpatay sa driver ni Chong iginiit
MANILA, Philippines — Tiniyak ni Justice Undersecretary Adrian Sugay na makikipag-ugnayan siya kay NBI Director Dante Gierran patungkol sa hiling nina dating Congressman Glenn Chong at Jeanette Santilan na misis ng napaslang na si Richard Santillan na atasan ng DoJ ang National Bureau of Investigation na magsagawa ng parallel investigation sa kaso dahil hindi umano sila kuntento sa imbestigasyon ng PNP.
Kinumpirma ni Chong na nagpadala sila ng panibagong demand letter kay Chief Supt Edward Carranza, dahil ang police operation ng mga tauhan nito na nauwi sa torture at murder ay hindi magagawa kung walang basbas ni Carranza.
Nauna ng sinabi ni Carranza na miyembro ng crime syndicate si Santillan na subject sa police operation noong December 10, 2018.
Batay sa naturang report ni Carranza, walang conduction sticker at registration ang sasakyan ni Santillan, na sa halip na sumunod sa inspeksyon sa checkpoint ay humarurot ang sasakyan nito kaya hinabol ng mga pulis na nauwi sa shootout o barilan.
Naninindigan naman ang kampo ni Chong at misis ng biktima na kinidnap tinorture saka pinatay si Richard Santillan.
- Latest