Mag-asawang supplier ng armas ng Maute, timbog
MANILA, Philippines — Naaresto ng mga awtoridad ang mag-asawang umano’y supplier ng armas ng Maute terrorist group na responsable sa Marawi City siege sa isinagawang operasyon sa North Luzon Expressway sa Valenzuela City kamakalawa ng gabi.
Sa press briefing sa Camp Crame, kinilala ni PNP Chief P/Director General Oscar Albayalde ang mga suspect na sina Edgardo at Rosemarie Medel na natunton ng mga elemento ng Regional Special Operations Unit ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa bahagi ng NLEX sa Valenzuela City dakong alas-6:30 ng gabi.
Bago ito, isang tipster ang nagbigay ng impormasyon sa mga awtoridad hinggil sa ilegal na aktibidades ng mag-asawang Medel na sinasabing suppliers ng armas ng Maute Group. Sinasabing may mga pulitiko na rin umanong umoorder sa mga ito ng armas para gamitin sa 2019 midterm elections.
Bukod dito, may iba pang private armed groups ang sinusuplayan din ng mag-asawa.
Ayon kay Albayalde, ang mag-asawa ay nakabase sa Gapan City, Nueva Ecija na sangkot sa illegal na pagbebenta ng armas sa Mindanao.
Agad namang ikinasa ang dragnet operation kung saan isang undercover agent ng pulisya ang nakipag-deal sa mag-asawa na bibili ng mga baril sa halagang P1.2 milyon kung saan itinakda ang transaksyon sa NLEX service station.
Nasamsam mula sa mga ito ang dalawang assault rifles, isang handgun at 12,893 rounds ng bala ng M60 light machine guns.
Sinabi ni Albayalde na makikipagkoordinasyon sila sa AFP dahilan sa ang mga kahon ng armas at bala ay may tatak pa ng AFP kung saan isa umanong retiradong sundalo sa Nueva Ecija ang sinasabing kontak ng mga suspek habang inaalam na kung may aktibong sundalo rin ang nagpapasa sa mga ito ng mga armas at bala.
- Latest