Parolado lumabag sa mga kondisyon, balik-kalaboso
MANILA, Philippines – Inaresto ng Manila Police District-Station 6 ang isang 32-anyos na drug convict na inisyuhan ng Department of Justice (DOJ) ng order of arrest at recommitment upang maibalik sa New Bilibid Prison (NBP) dahil sa paglabag umano sa mga kondisyong isinasaad sa Board of Pardons and Parole (BPP) kamakalawa ng tanghali.
Sa ulat mula sa tanggapan ni P/Supt. Robert C. Domingo, hepe ng MPD-Station 6, alas-11:30 ng tanghali nang maaresto ng kaniyang mga tauhan ang paroladong si Salvador Donayre Jr. ng Int. 14-A Dayang st., Sta. Ana, Maynila sa bisa ng order of arrest and recommitment.
Batay sa dokumentong hawak ng MPD, si Donayre Jr. ay nahatulan ng makulong mula sa 6-8 taon sa paglabag sa Republic Act 9165 section 11 (possession of illegal drugs) at 6 na buwan hanggang 4 na taon naman para sa paglabag sa section 12 (possession of paraphernalias) ng Manila Regional Trial Court Branch 16. Bukod pa ito sa ipinataw na multa na may kabuuang P110,000.00.
Noong Setyembre 18, 2012, si Donayre ay nabiyayaan ng parole o napalaya subalit kailangang tuparin ang mga nakasaad na kondisyon.
Subalit dahil sa kabiguang magreport ni Donayre noong Enero 10, 2013 sa Probation and Parole Supervisor at paglabag sa nos. 2, 8 at 14 na kondisyon na nagsasaad na dapat niyang sundin ang iniaatas ng supervisor, dapat siyang magreport at hindi nagpakita ng matagal at nang bisitahin sa address ay lumipat ito ng tirahan. Hindi rin nagpaliwanag kung bakit bigo siyang lumutang sa BPP supervisor.
Naging dahilan ito upang magpalabas si Natividad G. Dizon, ang chairman of the board ng BPP ng nasabing kautusan na ibalik ito sa bilibid.
Nakatakdang ilipat mula sa detention cell ng MPD-Station 6 patungong NBP sa Muntinlupa City, sa kustodiya ng Bureau of Corrections (BuCor) upang pagsilbihan ang ilang taon pang hatol sa kaniya sa kasong kinasangkutan.
- Latest