QCPD maghihigpit vs naarestong bomb expert
MANILA, Philippines – Mahigpit na seguridad ang ipinapatupad ngayon sa buong paligid ng Quezon City Police District (QCPD) matapos na ilipat sa kanilang kustodiya ang pinaghihinalaang teroristang si Ricardo Ayeras, isang bomb expert at miyembro ng Al Qaeda-affiliated Rajah Soliman Movement.
Aksyon ito ng pamunuang, upang masiguro na hindi makapaghahasik ng karahasan ang natitira pang kasamahan nitong nakalalaya na nagbabanta ng pagpapasabog sa sandaling hindi ito palayain.
Unang ipiniit si Ayeras sa QCPD-Station 2, ngunit, ayon sa source na nakatanggap ang himpilan ng tawag na pasasabugin ang kanilang tanggapan kung hindi ito pakakawalan.
Dahil dito, nagpasya umano ang pamunuan na ilipat na lamang sa kustodiya ng Camp Karingal si Ayeras kung saan may malaking bilang ng kapulisan ang maaring magbantay dito.
Hindi binabalewala ng QCPD ang banta, bunga na rin ng mga dokumentong nakuha hingil sa mga suspek hingil sa bantang pagbobomba, at ilan pa sa mga kasamahan nito ang nakagagala.
Ang naturang pagbabanta din ang nag-udyok sa United States na mag-isyu ng travel advisory sa kanilang mga kababayan sa Metro Manila.
Binalewala naman ng pamunuan ng Philippine National Police ang bantang pagbobomba, pero itinaas nito ang kanilang puwersa sa alert status mula normal hanggang sa mas mataas na alerto.
Si Ayeras na pinaniniwalaang eksperto sa paggawa ng bomba ay iniugnay din sa 2004 Super Ferry 14 bombing na ikinasawi ng 116 katao. Siya din ang pinaghihinalaang utak sa insidente ng Valentine’s Day bombing noong 2005 na ikinasawi ng apat katao at ikinasugat ng 60 pa.
- Latest