May-ari ng P2-M cash sa EDSA ‘kidnap’ lumutang na
MANILA, Philippines - Nagtungo na kahapon sa Mandaluyong City Prosecutor’s Office ang inhinyero na nagmamay-ari ng nawawalang P2 milyong cash na sinasabing tinangay ng mga suspek na pulis sa nangyaring insidente sa EDSA. Lumutang sa piskalya ang inhinyerong si Engr. Cariong Malik, na sinamahan naman ng kanyang legal counsel na si Atty. Jinky Dimaporo, upang pormal na magsumite ng supplemental at sworn affidavit sa sala ni Prosecutor Michael Henson Dayao.
Ayon kay Dimaporo, nakasaad sa dalawang pahinang supplemental affidavit ng kanyang kliyente ang detalye ng nawawalang P2 milyong cash. Nakasaad din umano na legal ang nasabing pera at hindi mula sa illegal drugs tulad umano ng ipinalulutang ng mga nahuling suspek na mga pulis.
Nabatid na dala nina Camal Mama, 30, at Samanodin Abdul Gafur, ang naturang cash upang ipambili sana ng payloader sa Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA), na gagamitin sa road construction project na DPWH. Gayunman,habang patungo sa Baclaran ang dalawa sakay ng kulay puting Toyota Fortuner ay bigla na lang silang hinarang ng mga suspek sa EDSA.
- Latest