Chinese drug suspect kinikilala pa ng QCPD
MANILA, Philippines - Patuloy ang ginagawang beripikasyon ng Quezon City Police District (QCPD) sa tunay na katauhan ng isang Chinese national na nadakip noong Biyernes dahil sa pagdadala ng 10 kilo ng shabu sa lungsod.
Ayon kay Sr. Insp. Roberto Razon Jr., hepe ng QCPD Anti-Illegal Drugs, duda sila sa ipinakitang driver’s license ng suspek na si Xu Zhen Zhi dahil hindi naman ito makapagsalita at makaintindi ng tagalog. Nagtataka sila kung paano ito naisyuhan ng lisensiya.
Sinabi kay Razon, hihingin nila ang tulong ng Land Transportation Office at Bureau of Immigration para makuha ang tunay na impormasyon ng dayuhan.
Magpapadala din anya sila ng report sa Chinese Embassy hingil sa kanyang pagkakadakip.
Sa kasalukuyan, wala silang makuhang impormasyon sa suspek dahil hindi umano ito nakikipag-cooperate. Wala din anyang bumibisita kay Zhi simula ng mahuli nila ito.
Biyernes ng hapon nang maaresto ang dayuhan sa may isang fast food sa Philcoa, Quezon City kung saan nakuha mula sa kanya ang 10 kilograms ng pinaghihinalaang high grade na shabu na may market value na P15 million.
Naging kontrobersyal pa ang insidente nang sampalin ang suspek ni Mayor Herbert Bautista dahil sa kawalang ng respeto. Agad namang humingi ng paumanhin ang alkalde matapos ang insidente.
- Latest