Mandaluyong, maglalagay ng CCTV sa loob ng kulungan
MANILA, Philippines - Maglalagay ng Closed Circuit Television Camera (CCTV) ang pamahalaang lungsod ng Mandaluyong sa loob ng Mandaluyong Police detention cell para ma-monitor ang kilos at galaw ng bawat preso.
Ayon kay Mandaluyong City Mayor Benjamin Abalos, layunin nilang hindi na maulit pa ang pagpuga ng mga preso kaya sila maglalagay ng CCTV sa kanilang police station.
Sa ngayon aniya ay may CCTV na sa lobby ng jail pero nabigong makuhanan ang may 11 preso na tumakas noong July 21.
Sinasabing ang misis ni Jordan Villadolid na lider ng mga pumugang preso ang siyang nagdala at nagbigay ng maliit na lagareng bakal na siyang ginamit sa pagsira ng kulungan kaya naisagawa ang pagtakas.
Inatasan na rin ni Mayor Abalos ang kanilang engineering department na kagyat na ayusin at maglagay ng mas matibay na bakal sa nilagareng kulungan.
Sa 11 presong nakapuga ay apat na sa kanila ang muling naibalik sa selda na kinabibilangan nina Archie Pacheco, Gabby Capistrano, Nelson Yambao at Alber Llaneta.
- Latest