Pondo para sa CCTV, inilaan sa COLA ng mga guro
MANILA, Philippines - Muling itinaas ng pamahalaang lungsod ng Pasay ang tinatanggap na COLA (Cost of Living Allowance) ng mga pampublikong guro sa P3,500 makaraan ang serye ng kilos-protesta ng mga ito kamakailan.
Ito ay makaraang ipakansela ni Pasay City Mayor Antonino Calixto ang proyekto sa pagkakabit ng dagdag na “closed circuit television camera (CCTV)†at pagkakaroon ng “traffic monitoring system†at ilipat ang nakalaang P68 milyong pondo para sa allowance ng mga guro.
Matatandaan na naibaba sa P1,200 ang tinatanggap na COLA ng mga guro makaraan ang rekomendasyon ng Commission on Audit na babaan ito ng 66%. Sa COA Audit Observation Memorandum 12-12, inabisuhan nito ang pamahalaang lungsod ng Pasay na dapat nasa P1,200 lamang ang tinatanggap na allowance ng mga guro na nanggagaling sa Special Education Fund (SEF).
Dito nagsagawa ng sunud-sunod na kilos-protesta ang mga guro sa tapat ng Pasay City Hall sa pangunguna ng FeÂderation of Pasay Public School Teachers Association (FPPST) kung saan nangako si Calixto na tutulong sa mga guro.
Sa liham kay Dr. Estrelita Puti-an, OIC ng Schools Division Superintendent ng City Schools Division ng Pasay, tiniyak ni Calixto na muling matatanggap ng mga guro ang P3,500 allowance kada buwan makaraang makakuha ng pondo na nakapaloob sa taunang budget para sa 2014 ng pamahalaang lungsod.
Sinabi ng alkalde na dahil sa tumataas na presyo ng mga bilihin, hindi na makatwiran na ibaba pa ang allowance na tinatanggap ng mga guro na isa sa dahilan para sa kanilang motibasyon na ipagpatuloy ang sinumpaang tungkulin sa pagbibigay ng edukasyon sa mga kabataang mag-aaral.
Ayon kay Jonathan Malaya, tagapagsalita ni Calixto, nahugot ang P63 milyong pondo makaraang ipasa ng Sangguniang Panglungsod ang Ordinances No. 5454 at 5455 na humuhugot sa pondo sa General Fund at ilipat para sa COLA ng mga guro.
Sinabi nito na nilimitahan sila ng COA sa pagbibigay ng P1,200 allowance buhat sa SEF, ngunit hindi naman sila pinipigilan para magbigay ng dagdag na allowance buhat sa General Fund.
- Latest