Chargers amoy na ang semis

MANILA, Philippines — Bumalikwas ang Akari mula sa 1-2 agwat para balikan ang Galeries Tower, 21-25, 25-19, 20-25, 25-16, 15-11, sa Game One ng kanilang quarterfinals series sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference kahapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Tangan ang 1-0 lead, puwede nang tapusin ng Chargers ang kanilang best-of-three showdown ng Highrisers sa Game Two sa Huwebes papasok sa semifinal round.
Pumalo si Ivy Lacsna ng career-high 28 points mula sa 22 attacks at anim na blocks para banderahan ang Akari.
“Team effort talaga siya,” ani Lacsina. “Kasi kanina parang sinasabihan ako ng teammates ko na paluin mo lang, paluin mo lang huwag kang matakot. Siyempre, doon din po nabu-boost ako.”
May 19 markers si Eli Soyud buhat sa 18 attacks at isang service ace, habang may 10 points si Grethcel Soltones para sa Chargers.
“Sobrang grabe ‘yung training namin, pero ‘yun, nagbunga naman today,” dagdag ni Soyud.
Pumalo si Jewel Encarnacion ng 18 points para sa Galeries Tower.
Nagdagdag si France Ronquillo ng 17 markers, habang may 13 at 11 points sina Ysa Jimenez at Roselle Baliton, ayon sa pagkakasunod.
Kinuha ng Highrisers ang 2-1 bentahe bago nakatabla ang Chargers sa fourth set, 25-16, sa pamumuno nina Lacsina at Soyud.
- Latest