^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Grabe na ang fake news

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - Grabe na ang fake news

KAMAKALAWA, kumalat sa social media ang panawagan ng isang vlogger na dapat na raw mag-istak ng mga pagkain, gamot, tubig at iba pang pangunahing pangangailangan ang mamamayan sapagkat magkakagulo na. Lulusubin daw ang mga supermarket at magkakaubusan ng mga pagkain at marami pa.

Kumalat ang mapanakot na balita isang araw ­makaraang arestuhin si dating President Duterte dahil sa kasong crime against humanity na isinampa sa International Criminal Court (ICC).

Halos kasabay ng pananakot na magkakaubusan ng pagkain, gamot at tubig, biglang kumalat sa social media na may mass resignation sa Armed Forces of the Philippines (AFP) partikular na sa Philippine Army bilang pagpapakita ng suporta kay dating President Duterte matapos itong ipaaresto ng ICC. Subalit pinabulaanan ito ng AFP at sinabing walang katotohanan ang balita. Fake news umano ang kumalat na mass resignation ng mga sundalo.

Bigla ring kumalat ang balita tungkol kay First Lady Liza Araneta-Marcos na inaresto raw ito ng mga awtoridad sa U.S. Itinanggi ito ng Malacañang at sinabing walang katotohanan ang kumalat na balita sa social media. Ayon sa Malacanang si FL Liza Marcos ay nasa Miami, Florida at Los Angeles, California mula Marso 5 hanggang 8. Ayon sa kumalat na balita, pinigil si FL ng mga awtoridad sa U.S. dahil sa hindi nito pagrereport sa pagkamatay ng isang negosyante na kanyang kasama.

Grabe ang mga kumakalat na fake news ngayon. Patindi nang patindi. Ayon sa SWS survey na ginawa mula Pebrero 15-19, ang pagkalat ng fake news ay tinuturing na seryosong problema ng nakararaming Pilipino. Fifty nine percent ang nagsabi na ang fake news sa internet ay masyadong seryoso.

Nararapat kumilos ang mga awtoridad para mahuli ang mga nagpapakalat ng fake news. Nararapat kumilos ang NBI Cybercrime Division para masampahan ng kaso ang vlogger na nagpapakalat ng mga fake news.

Kung walang masasampolan sa mga vlogger na nagkakalat ng mali o pekeng balita o impormasyon, magpapatuloy ito at lalo pang lulubha ang problema. Maraming masisira dahil sa pagpapakalat ng maling impormasyon.

Ngayong nalalapit na ang May 2025 midterm elections, inaasahan nang lalo pang darami ang mga fake news sa internet. Gagamitin nila ang social media para siraan ang kalaban.

Ang pagkilos ng NBI ay nararapat. Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, may inihahanda na raw silang kaso sa mga vlogger na nagpapakalat ng mali at nakasisirang impormasyon. Sampolan ang mga ito.

ICC

  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with
-->