Bato magpapasaklolo sa Senado

MANILA, Philippines — Matapos sabihin kamakalawa na handang magpaaresto upang makasama sa The Hague at maalagaan si dating Pangulong Rodrigo Duterte, inihayag naman kahapon ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa na magpapasaklolo siya sa Senado sakaling maglabas ng warrant of arrest laban sa kanya ang International Criminal Court (ICC).
Ayon kay Dela Rosa, hihingin niya ang tulong ng Senado kung gagawin din ng gobyerno ang ginawa sa dating Pangulo na isinuko sa ICC. Si Dela Rosa ay kapwa akusado ni Duterte sa kasong crime against humanity dahil sa madugong war on drugs noong nakaraang administrasyon.
Sinabi rin ni Dela Rosa na may “commitment” sa kanya si Senate President Francis “Chiz” Escudero na binigyan siya ng proteksiyon hangga’t ito ay pinapayagan ng batas.
Pero kung hindi na aniya kayang bigyan ng proteksiyon ng Senado ay mapayapa na lamang niyang isusuko ang kanyang sarili para hindi magkagulo.
Nadismaya rin si Dela Rosa sa aniya’y kawalan ng paninindigan ng administrasyong Marcos sa kaso ng dating Pangulo na para sa kanya ay isinubo pa sa ICC.
“Ako mismo I can attest to that dahil sinabihan niya ako sa Malacañang na ‘huwag kang mag-alala Bato hindi ko papasukin ang ICC dito. Kahit nga buhok mo hindi mahahawakan ng ICC pati si Pangulong Duterte hindi mahahawakan ng ICC…Kung papayagan ko diyan after sa inyo who’s next kami ang iimbestigahan ng ICC’,” sabi ni Bato sa sinabi umano sa kanya ni Marcos.
Pero iba aniya ang nangyari dahil nanghiram pa ng private jet para maihatid si Duterte sa The Hague.
Sa ngayon aniya ay gagawin niya ang lahat ng remedyo dahil posibleng siya na ang susunod na target ng ICC.
- Latest