Type din ang gf ng kapatid
Dear Dr. Love,
May napapansin po ako sa kapatid ng boyfriend ko. Nagpaparamdam po siya sa akin. Nasa abroad po ang boyfriend ko. Naalala ko tuloy ang kwento niya na crush na crush ako ng kapatid niya. Bale wala naman po sa akin ang tungkol dun dahil hindi ako interesado. Mahal kop o ang boyfriend ko, wala nang iba.
Pero hindi ko akalain na seryoso ang bagay na ‘yun para sa kapatid niya, na ngayon nga ay nagte-take advantage dahil nasa malayong lugar ang boyfriend ko.
May ilang araw na niya akong pinupuntahan sa pinagtatrabahuhan kong mall. Hinihintay niya ako at inaayang kumain o kaya manood ng sine.
Noong una ay pinagbigyan ko siya dahil kapatid naman siya ng bf ko. Balewala lang sa akin ‘yun. Kaya lang nasusundan at napapadalas na ang pag-aaya niya. Ayoko naman na makarating ito sa bf ko. Magagalit ‘yon, malamang.
Ayoko ring mag-away sila ng kanyang kapatid dahil sa akin. Alam ko naman na mali at unfair sa boyfriend ko kung lagi akong papayag sa mga invitations niya sa’kin.
Pero ang problema ko ngayon ay kung paano ko pagsasabihan ang kapatid niya. Baka sa bandang huli ako pa ang masisisi.
Ling
Dear Ling,
Sang-ayon ako sa saloobin mo na pagsabihan ang kapatid ng boyfriend mo habang maaga pa. Maaarin kasing ma-misinterpret niya ang pagpayag mo na lumabas kayo. At tama ka, dahil talagang unfair para sa boyfriend mo kung malaman niyang lumalabas kayo ng kapatid niya.
Ang tindi rin ng amats sa iyo ng kapatid niya, alam nang may relasyon kayo ng utol ay gusto pang sumingit.
Mukhang simpleng problema lang naman ‘yan pero sa mga maliliit na problema nagsisimula ang lahat ng malalaking problema, kaya gawin mo na ang dapat mong gawin.
Humanap ka ng isang tao na maaaring makatulong sa iyo para mapaliwanagan at magising siya sa reyalidad, nang sa gayon ay tantanan ka na.
Makakabuti rin kung ipapaalam mo sa boyfriend ang napapadalas na pagyayaya ng kanyang kapatid para masabi mo rin na hindi ka komportable rito.
DR. LOVE
- Latest