6-swimming golds kay Mojdeh
Vigan City – Hindi mapigilan ang pananalasa ng11-anyos na si Micaela Jasmine Mojdeh ng NCR na siya nang Most outstanding swimmer ngayon sa kasalukuyang 2018 Palarong Pambansa matapos languyin ang kanyang pang-anim na gold medal.
Pinangunahan kahapon ni Mojdeh ang girls’ 12-under 100m breaststroke sa oras na 1:19.59 para idagdag sa nauna niyang limang panalo sa 100m butterfly, 200m individual medley, 50m butterfly at 4x50m at 4x100m medley relay.
Nasungkit din ni Taguinod ang kanyang pang-limang ginto sa 50-m freestyle sa oras na 27.53-seconds. Dinomina ng NCR ang swimming event matapos manalo si Anya Austriaco sa elementary boys 50-m freestyle (29.07) at si Victor Manuel Perez sa secondary boys 200-m freestyle (2:00.48).
Itinakas naman ni Jessel Lumapas ng Calabarzon ang dalawang gintong medalya sa athletics kahapon para palawakin sa apat na ginto at isang silver.
Ilang oras pagkagi-sing sa umaga, sinikwat ng 17-anyos na si Lumapas ang ginto sa 200-m dash sa oras na 24.61 segundo at pagkalipas ng mahigit isang oras, muli niyang pinagbidahan ang Calabarzon team sa girls 4x400-meter relay sa bagong record na 3:53.97 na nagbura sa dati nilang 3:54.37 sa San Jose, Antique noong nakaraang taon.
Ang Grade 11 estudyante ng Dasmariñas Integrated National High School sa Cavite ay nauna ng nanalo sa girls 100-m dash (11.99) at 400-m run kung saan nagposte siya nang 56.28 upang lampasan ang dating 57.3-sec ni Jenny Rose Rosales ng Southern Tagalong noong 2011.
Sa kabuuan, nakalikom ang tubong Dasmariñas, Cavite ng apat na gintong medalya kabilang na ang dalawang bagong records at isang silver medal mula sa secondary girls 4x100-m relay.
Bukod kay Lumapas, nasungkit din ng kanyang teammate na si Veruel Verdadero ang ginto sa secondary boys 200-m dash sa oras na 21.99-segundo. Ito na ang kanyang ikalawang panalo, ang una ay sa record-breaking win sa 100-m dash (10.55-sec) noong Martes. Ang ikatlong medalya ng 16-anyos na si Verdadero ay bronze medal sa 400-m run (49.95).
Naka-apat na ginto naman ang cancer survivor na si Daniela de la Pisa ng Central Visayas mula sa secondary rhythmic gymnastics. (FCagape)
- Latest