Impeachment laban sa Comelec chief mababasura?
MANILA, Philippines — May posibilidad na maibasura rin ang impeachment complaint laban kay Commission on Elections chairman Andres Bautista.
Ito ang pahiwatig ni House of Representatives Justice Committee chairman at Mindoro Oriental Rep. Reynaldo Umali na idinahilang depektibo ang verification form na ginamit sa reklamo laban kay Bautista na inihain nina Atty. Ferdinand Topacio at dating Negros Oriental Rep. Jacinto Paras.
Ayon kay Umali, ang ginamit na verification form ay para sa endorsement ng 1/3 ng mga kongresista para ma-shortcut ang proseso ng impeachment at maidiretso ang reklamo sa impeachment court.
Ito umano ang pangunahing dahilan kaya naibasura ang reklamong impeachment ng Volunteers Against Crime and Corruption at Vanguard of the Philippine Constitution laban kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Sinabi pa ni Umali, na titingnan nilang mabuti ang complaint laban kay Bautista subalit magiging mahigpit umano sila sa pagpapatupad ng panuntunan at hindi na paiiralin ang liberality dito.
Samantala, sinimulan na ng tanggapan ng Ombudsman ang pagbusisi sa umanoy mga nakaw na yaman ni Bautista.
Sinabi ni Atty Lorna Kapunan, abogado ng asawa ni Bautista na si Patricia na ipinatawag na ng Ombudsman ang kanyang kliyente hinggil sa kabiguan ng tagapangulo ng Comelec na maisama ang mga bank account at ari-arian nito sa SALN nito.
- Latest