EDITORYAL - Pabonggahan ng damit sa SONA
MAY katwiran si dating senador Joker Arroyo na hindi dumalo sa State of the Nation Address (SONA) ni dating President Gloria Macapagal Arroyo noon. Sabi ni Joker, hindi raw siya dumadalo sa SONA ni GMA sapagkat ito ay “fashion show” lamang.
Tama ang senador. Parang “fashion show” nga ang SONA. Hanggang ngayon, patuloy pa rin ang pagpapagandahan ng damit ng mga dumalo sa SONA. Mapapansin ang mga may magagandang damit sapagkat para silang nagpuprusisyon habang papasok sa Batasang Pambansa. Hindi makakalampas ang mga asawa ng senador, kongresista at mga panauhin sa media na nakaabang na sa kanila.
Noong Lunes na mag-SONA si President Noynoy Aquino, muli na namang lumutang ang mga magaganda at mamahaling gown ng mga senadora, congresswomen at ang mga asa-asawa ng mambabatas. Maski si Kris Aquino na kapatid ni P-Noy ay napakaganda rin ng gown. Ang ibang gown ay creation pa ng mga kilalang Pinoy designer. Hindi naman kapani-paniwala ang sinabi ng isang congresswoman na ni-rent lang niya ang suot na gown. Ngayong nabulgar na maraming mambabatas ang nakatanggap ng DAP, imposibleng hindi sila makabili ng sariling gown. Sino ang niloloko nila?
Habang marami ang nagniningning sa mga suot nilang gown, marami naman ang halos masiraan na ng ulo kung saang kamay ng Diyos hahanapin ang kakainin sa maghapon. Habang umiindayog ang mga gown sa bawat paghakbang ng may suot nito, patuloy naman ang pagrerebelde ng sikmura ng mga nakatira sa kariton, waiting shed, ilalim ng tulay at mga silong ng puno. Habang nagpapagandahan sila sa suot na gown, marami namang biktima ng Yolanda ang hanggang ngayon ay nasa mga tent at gusto nang mawalan ng pag-asa.
- Latest