Mga pagkain na nagpapalakas
1. Saging – Napakaganda ng saging sa mga nag-eehersisyo dahil mayroon itong taglay na carbohydrates, vitamin B at potassium. Ang potassium ay kailangan sa normal na pagtibok ng puso at paggalaw ng masels.
2. Spaghetti – Nagbibigay ng lakas ang spaghetti dahil sa taglay nitong carbohydrates. Sa mga diabetic, mas mainam ang spaghetti kaysa sa kanin, dahil mas hindi tataas ang asukal sa dugo.
3. Gatas – Ang gatas ay isang kumpletong pagkain dahil mayroon itong carbohydrates, protina at fats. May vitamin B pa ito na nagbibigay ng lakas. Piliin lamang ang low-fat milk para hindi tumaba.
4. Chocolate bar – Para sa kabataan, puwedeng kumain ng tsokolate dahil mayroon itong asukal, gatas at cocoa. Maituturing itong energy bar. Pero limitahan lang ang kakainin sa isang maliit na hiwa at baka tumaba.
5. Pakwan – Ang pakwan ay napakabisang natural energy drinks. Ang pakwan ay may 92 percent alkaline water na mabuti sa katawan. Punong-puno din ang pakwan ng vitamin B, potassium at electrolytes na kailangan ng taong laging pinapawisan. Maganda rin ang pakwan bilang panlaban sa heat stroke at init ng panahon.
6. Buko – Ang sabaw ng buko ay mayroong maraming electrolytes na maihahambing na sa suwero na ginagamit ng doktor. Ang laman ng buko ay may carbohydrates na nagpapalakas at nakabubusog din.
7. Nilagang itlog – Ang itlog ay siksik sa protina, vitamin B at vitamin D. May sangkap pa itong choline na kailangan ng utak. Limitahan lang ang pagkain ng isa o dalawang itlog sa maghapon.
8. Nilagang mani – Ang mani ay punumpuno rin ng protina, minerals at good fats na nagbibigay ng lakas. Mas masustansiya ang nilagang mani kaysa sa pritong mani dahil wala itong mantika at mababa sa asin.
Paalala: Kumain ng mas madalas pero katamtaman lamang. Ito’y para makakuha tayo ng tuluy-tuloy na suplay ng enerhiya mula sa pagkain. Sa umaga, kumain din ng masustansyang almusal para may lakas. Huwag sosobrahan ang pagkain ng mga nabanggit dahil puwedeng tumaba. Tandaan na kapag mayroon tayong kinain, sasabayan ng ehersisyo para matunaw ito.
- Latest