^

PSN Opinyon

Pag-angat ng ‘wellness tourism’ sa ‘Pinas: Pusong Pinoy ang sikreto!

KasamBuhay - Jing Castañeda - Philstar.com
Pag-angat ng ‘wellness tourism’ sa ‘Pinas: Pusong Pinoy ang sikreto!
Ang The Farm at San Benito ay pinagsamang wellness at nature-experience na talagang nakakabighani.

Sa ating nakaraang kolum, pinag-usapan natin ang kahalagahan ng "self-care" sa ating pisikal, mental, at emosyonal na kalagayan, para mabigyan ng pagkakataong ma-relax ng ating katawan at isipan. 

Tuloy pa rin ang ating adbokasiya sa wellness at sustainability sa ating pagbisita sa The Farm at San Benito. Malaki ang papel ng The Farm sa bagong inisyatibo ng Wellness Tourism Authority of the Philippines o WeTAP, na layuning mag-angat sa potensyal ng turismo sa Pilipinas bilang isang wellness destination.

Matatagpuan sa paanan ng Mt. Malarayat ang The Farm. Hindi ka magsasawang tingnan ang napakagandang mga tanawin at langhapin ang napakapreskong hangin!

Galing ng Pinoy ang bida sa The Farm

Sa pag-iikot sa The Farm, kitang-kitang eco-sustainability ang isa sa mga isinaalang-alang sa disenyo ng resort, kasabay ng kanilang pagtangkilik sa mga gawang Pinoy. Mula sa mga muebles hanggang sa mga produkto sa kanilang souvenir shop, damang-dama ang pagtangkilik ng The Farm sa talento ng Pinoy artists.  Nakamamangha rin kung paano napagsasama-sama ang kanilang dedikasyon sa aspeto ng wellness, at sa “brand of hospitality” na isa sa mga pinakasikat na katangian nating mga Pilipino. Maaliwalas at napakaganda ng aming tinuluyan sa Narra Villa (bawat cottage ay ipinangalan sa mga lokal na punongkahoy). 

Para sa akin, bukod sa kaakit-akit na disenyo ng The Farm, isa pa sa mga matituturing na maipagmamalaki ng resort na ito ay ang kanilang mga restaurant kung saan napakasarap ng fresh-na-fresh at masustansyang mga plant-based food ang kanilang inihahain.

Isa na rito ang “ALIVE!” restaurant na vegan ang menu at bawat putahe ay gawa sa purong natural na mga sangkap.  Kaya’t malaking tulong din ito sa “detoxification” ng ating mga katawan.  

Enjoy ako at ang aking pamilya sa plant-based burger at iba pang mga pagkain na -- dahil sa sarap ng kanilang ingredients --- hindi mo iisiping wala pala itong karne!  Napakaraming selections sa menu kaya enjoy maging ang anak kong pescatarian!

Isa sa mga kinakaaliwan ng mga bisita sa The Farm ang pagpapakain sa mga pagala-galang peacock.

Magandang epekto sa kalusugan at sa komunidad

Dahil ang mga natural na sangkap ay mula sa mga komunidad malapit sa The Farm, nakatutulong ang resort sa pangkabuhayan ng mga residente.

Bukod sa pagkain, ang mga wellness programs ng The Farm ang bida pagdating sa usaping kalusugan dahil sa iba’t ibang eksperto na mahahanap dito, kagaya ng mga doktor, holistic practitioners, at fitness coaches. Maraming programa ang naghihintay sa mga bisita, mula sa mga fitness activities, hanggang sa medically-supervised health programs.

Kasama ang aking mga anak (L-R) na sina Fiona, Fiana at Fae, pati na ang aking mister Na si Nonong. Maraming mga aktibidad sa resort, kaya perfect ang The Farm para sa buong pamilya.

Isa sa mga aktibidad dito ay ang Sleep Induction Therapy.  Kung katulad ninyo akong hirap makakuha ng kumpletong tulog tuwing gabi, abangan ang ating review ng Sleep Therapy sa mga darating na kolum, o sa paparating na episode ng Okay Doc!

Sa Narra Villa kung saan kami tumuloy, saktong-sakto ang paghahalo ng disenyong Pinoy at ang ating sikat na “hospitality.”

Hanga rin ako sa layunin ng The Farm na makatulong sa mga kalapit nitong komunidad. Karamihan sa kanilang mga kinukuhang staff, mula sa mga kusinero hanggang sa mga hardinero, ay mula rin sa mga kalapit na bayan. Malaking tulong ito sa employment at skills development ng lokal na komunidad, at para rin sa kabuuang pag-usbong ng turismo. Bukod pa rito, kabilang din sa mga programa ng The Farm ang ilan sa mga tradisyonal na Filipino healing modalities tulad ng hilot at mga halamang-gamot.

Buhay na buhay sa “ALIVE!” ang farm-to-table experience kung saan masusustansyang mga plant-based food ang nasa menu nila.

Nariyan din ang eco-sustainability initiatives ng The Farm, kung saan buhay ang diwa ng bayanihan. Sa mga proyekto tulad ng tree-planting, waste reduction, at pagiging masinop sa kuryente, ramdam ang commitment ng resort sa pangangalaga ng kalikasan. At sa pag-promote ng mga lokal na wellness products tulad ng oil-based skincare at mga native accessories, maging ang mga lokal at maliliit na mga negosyante ay ramdam din ang kanilang suporta.

Hatid ng WeTAP: bagong yugto para sa turismo

Ang pagtutok sa wellness at sustainability tulad ng ipinapakita ng The Farm ay akmang-akma para sa pagtataguyod ng Wellness Tourism Authority of the Philippines o WeTAP. Isa ito sa mga paraan ng Department of Tourism (DOT) para maiangat pa ang ating bansa sa larangan ng turismo, at para tayo maging pangunahing destinasyon para sa wellness tourism.

Dahil sa patuloy na paglaki ng global wellness economy – na nasa 5.6 trilyong dolyar noong 2022 – masasayang lamang ang potensyal natin kung isasaisantabi natin ang sektor na ito.

Kaisa natin dito si DOT Secretary Christina Frasco, na nagbigay-pugay sa pagtataguyod ng WeTAP. Sabi ni Frasco, malaking oportunidad ito para mas mapalawak pa natin at mapagyaman ang tourism offerings and packages ng bansa.

Sang-ayon dito si Jennifer Sanvictores, ang Marketing at Public Relations Head ng WeTAP, na ibinida ang potensyal natin para maipakita sa mundo ang ating galing sa evidence-based holistic healing, environmental sustainability, at ang ating sariling brand ng wellness.

“Sa pagpapamalas ng Filipino Brand of Wellness at ang ating angking hospitality, nakikita natin ang kakayahang maghatid sa international at domestic travellers ng isang experience na kanilang tatangkilikin at hindi makakalimutan,” dagdag ni Sanctivores.

Si Nonong at ako, kasama sina Jennifer Sanvictores ng The Farm (Global Head of Sales and Communications), at si Dr. Jocelyn Franco, isa sa mga doctor ng resort.

Totoong hindi lamang bakasyon ang kaya nating i-alok sa mga turista. Sa pamamagitan ng wellness tourism, kaya rin nating bumuo ng mas malalim na koneksyon sa ating mga bisita habang napapaunlad ang mga lokal na komunidad at napapangalagaan ang ating kalikasan.

Mula 2020 hanggang 2022, nasa 79.9% ang naitalang paglaki ng sektor na ito, patunay sa kakayahan nating maging isang major player kasama ang iba’t ibang bansa.

Hangarin ng WeTAP na makatulong ang sektor sa pag-unlad ng bansa sa pamamagitan ng paggawa ng mga trabahong makatutulong sa mga Pilipino, lalo na sa mga malalayong lugar at probinsiya.

Si Nonong at ako, kasama sina Jennifer Sanvictores ng The Farm (Global Head of Sales and Communications),  at si Dr. Jocelyn Franco, isa sa mga doctor ng resort.

“Isa sa mga nais naming makita ay ang mapaganda pa ang karanasan ng bawat turista sa kanilang pagbisita, habang pinagyayaman pa natin ang mga lokal na komunidad at maging ang ating kapaligiran,” paliwanag ni Sanctivores. “Sa pamamagitan ng wellness tourism, nais naming magkaroon ng ripple effect na maghahatid ng benepisyo para sa mga turista at sa bansa.” 

Excited na ako sa mga susunod na hakbang ng WeTAP – tunay na marami pa tayong kayang i-alok at ipamalas sa mga bisita ng ating mga komunidad. Dahil bukod sa mga naggagandahang mga destinasyon, marami pang itinatagong galing at talento ang mga Pinoy, at naghihintay lamang tayo ng pagkakataong maipakita ito.

------ 
I-follow ang aking social media accounts JingCastaneda InstagramFacebookYouTubeTiktok and Twitter. Ipadala ang inyong mga kuwento at suhestiyon sa [email protected].

WELLNESS

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with