22nd MLQ Gawad Parangal
BILANG bahagi ng pagdiriwang ng ika-85 founding anniversary ng ating lungsod, binigyan natin ng parangal ang mga natatanging indibidwal at isang organisasyon na inialay ang kanilang sarili sa pagsisilbi hindi lamang sa kanilang kapwa QCitizens, kundi sa lahat ng ating mga kababayan.
Kilala ang award na ito bilang Manuel L. Quezon Gawad Parangal. Ngayong taon, ang tema ng ating award ay “Tayo ang QC: Mahusay at Maipagmamalaki.”
Limang QCitizen at isang organisasyon ang kabilang sa mga tumanggap ng Makabagong Gawad Parangal trophy, na ang bagong disenyo ay nilikha ng kilalang visual artist Toym Imao bilang simbolo ng integridad at dangal ng parangal.
Dumaan ang pagpili sa mga paparangalan sa mabusising proseso ng assessment at deliberasyon ng Gawad Parangal Selection Board, na binubuo ng mga kinatawan ng lokal na pamahalaan, pambansang ahensiya ng gobyerno, at pribadong sektor.
Kabilang sa pinarangalan sina Dr. Herdee Gloriane Luna, na itinatag ang ACT Now PLUS, na siyang nakatutok sa mga kaso ng breast at cervical cancers sa mga komunidad at si Maria Elena Medina-Ruiz na siyang nagbuo ng ecological solid waste management system sa Barangay Blue Ridge B.
Binigyang pugay rin sina Edilberto Palacio, Chairperson of the Board of Directors ng Holy Spirit TODA, sa kanyang pagsuporta sa daan-daang tricycle drivers at kanilang pamilya; Benito Pacheco na malaki ang ginampanan sa pagbuo ng bagong Philippine Building Act; at Alex Brillantes Jr., na nagbibigay ng training sa mga lokal na opisyal para maging epektibong lider bilang bahagi ng kanyang pagsusulong ng good governance at responsive public administration.
Kinilala rin ang Autism Society of the Philippines, isang non-profit organization na nagsusulong ng inclusive environment para sa mga indibidwal sa sektor ng autism.
Dagdag pa rito, iginawad ang kauna-unahang Government Service Award sa 127 empleyado ng lokal na pamahalaan na inilaan ang mahigit 40 taon ng kanilang buhay sa pagsisilbi sa publiko, habang kinilala rin ang kontribusyon ng mga centenarian sa pagpapatibay ng ating lipunan.
Napakalaking karangalan ang mabigyan ng oportunidad na igawad sa inyo ang pagkilalang ito mula sa ating siyudad. Tunay kayong mahusay at maipagmamalaki!
- Latest