400% jeepney fare hike pangamba sa jeepney 'modernization' program
MANILA, Philippines — Habang itinutulak ng gobyerno ang modernisasyon ng mga jeep at UV Express sa gitna ng December 31 consolidation deadline, pinangangambahan ng isang economic think tank ang posibleng 300% hanggang 400% pagtaas sa pamasahe.
Ito ang ibinahagi ng IBON Foundation ngayong Huwebes sa pagsisimula ng tigil-pasada ng Piston bunsod ng kinatatakutang jeepney phase out kaugnay ng modernisasyon ng public utility vehicles (PUVs).
"Initial estimate siya from consultations with transport groups (including ilan na nag-cooperativize)," ani IBON Foundation executive director Sonny Africa sa panayam ng Philstar.com.
"Basically higher fares ay unavoidable from more expensive jeepneys at maintenance na, especially with eventual end of govt subsidies, ay i-recover from higher fares."
Una nang sinabi ng grupong Piston, na naka-tigil-pasada laban sa December 31 deadline para makonsolida sa mga kooperatiba at koporasyon, na sadyang mahal ang inilalapit sa kanilang modern minibuses sa ilalim ng PUV modernization program: hanggang P2.8 milyon.
Una nang sinabi ng gobyernong hindi na makakapagbiyahe ang mga hindi makakapagkonsolida bago pumasok ang 2024.
At para sa mga makasusunod dito, kinakailangang makapagmodernisa sa loob ng 27 buwan — bagay na pinagmumulan ng takot ng jeepney phase out.
"Ang naisip namin kasi ay bahagi siya ng buong proseso ng modernization," dagdag pa ni Africa.
"Kumbaga kung iyong cleaner jeeps ang technical side, ang pag-consol ng franchises ay ang organizational side (where coops/corps ang mas maka-afford ng new jeeps, mas maka-facilitate ng regulation, atbp) — tapos pagtanggal ng old unconsolidated jeeps hastens that broader process of modernization."
Matatandaang sinabi ng Department of Transportation (DOTr) na bibigyan ng financial assistance ang mga kooperatiba habang nagmomodernisa ang mga sasakyan.
Marami pang unconsolidated
Ngayong araw lang nang sabihin ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) spokesperson Celine Pialago na "non-negotiable" na ang December 31 deadline na unang inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ibinahagi ito ni Pialago matapos humarap kay Piston president Mody Floranda sa isang dayalogo.
Ito'y kahit na marami pa ang hindi consolidated sa ngayon: nasa 64,639 unconsolidated units ng jeepney at UV Express sa buong bansa, ayon sa Piston. Sinasabing nasa 30,862 jeep at 4,852 UE dito ay nasa Metro Manila.
Malayo ito sa unang sinabi ni Bongbong na 70% ng mga units (153,787) ay consolidated na, datos na nagsama pati sa mga pampublikong bus.
"Ang ayaw nitong aminin, mahigit 140,000 na tsuper at 60,000 na operator sa buong bansa ang mawawalan ng kabuhayan dahil sa pagpupumilit nila sa palpak at pahirap na consolidation," wika ng Piston.
"Walang puso ang gobyernong ito sa higit 28.5 milyong komyuter sa buong bansa na maaapektuhan kada araw nitong mga pakana nila."
Subsidyo para sa modernisasyon
"Ang tanging paraan lang para manatiling abot-kaya ang pamasahe habang binabago ang mga jeepney ay kung may subsidyo ang gubyerno sa pagbili ng bagong unit, sa maintenance, at sa kita ng mga driver/operator halimbawa sa pagbigay ng murang kapital/pinansya," patuloy ni Africa.
Kinukuha pa ng Philstar.com ang reaksyon ni Pialago sa naturang projection ng taas pasahe ngunit hindi pa rin tumutugon sa ngayon.
Ang LTFRB ang ahensya ng gobyerno na nagdedesisyon pagdating sa pagtataas ng pamasahe sa pamublikong transportasyon.
Kasalukuyang nakapako sa P13 ang minimum na pasahe sa mga tradisyunal na jeepney habang P15 naman ang minimum sa mga modernong minibuses.
- Latest