Puslit na mga asukal, ibebenta rin sa supermarkets
MANILA, Philippines — Ikinokonsidera na ng Sugar Regulatory Administration (SRA) na maibenta sa mga supermarket ang mga kumpiskadong smuggled sugar sa bansa.
Ayon kay SRA Acting Administrator Pablo Azcona, gaya ng plano sa mga Kadiwa store at palengke ay ibebenta rin sa halagang P70 ang mga puslit na asukal sa mga supermarket.
Anya, may mga nakausap na siyang supermarket chain na nauunawaan ang nananatiling problema sa mataas na bentahan ng asukal at nag-alok na tumulong para mas maging accessible pa sa publiko ang bentahan ng ‘kadiwa sugar’.
Sinabi ni Azcona na handa ang malalaking supermarket chains na tumulong pagdating sa logistics at pati na sa repacking ng mga nasabat na asukal.
Sa ngayon ay wala pang pinal na petsa kung kailan magiging available sa Kadiwa Stores, mga palengke at supermarket ang murang asukal.
Samantala, patuloy namang itinutulak ng SRA ang pagtatakda ng suggested retail price sa asukal na P85 kada kilo upang maiwasan ang mga pananamantala sa presyuhan nito sa mga pamilihan.
Wala naman anyang problema sa suplay sa ngayon ng produktong asukal.
- Latest