'Quarantine pass' hihingiin uli sa pagbabalik ng MECQ sa NCR, 4 pang lugar bukas
MANILA, Philippines — Hindi na uli basta-basta makalalabas ng bahay ang mga residente ng National Capital Region (NCR) at mga karatig nitong probinsya matapos ianunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte, Linggo nang gabi, ang pagbabalik ng modified enhanced community quarantine (MECQ) sa mga nasabing lugar.
Basahin: Duterte puts Metro Manila, nearby provinces under MECQ
Dumating ang deklarasyon ni Digong matapos hilingin ng ilang medical professionals, sa pangunguna ng Philippine College of Physicians, ang pagbabalik sa pinakastriktong enhanced community quarantine (ECQ) bilang "timeout" sa pagtaas ng coronavirus disease (COVID-19) cases sa Pilipinas.
Bukod sa Metro Manila, kasamang ilalagay sa MECQ ang Laguna, Cavite, Rizal at Bulacan simula ika-4 ng Agosto.
"Under the MECQ, kailangan natin ng quarantine pass. We will leave it to the LGUs kung papaano nila i-implement," sabi ni Interior Secrertary Eduardo Año sa panayam ng TeleRadyo, Lunes.
"Ang mga papayagan lumabas ay [yung mga] kailangan lang, mga necessity, essential ‘yung purpose."
Sa ilalim ng MECQ, suspendido rin ang lahat ng pampublikong transportasyon gaya ng jeep, tren, bus, taxi, TNVS at tricycle. Gayunpaman, pwede ang mga public shuttles ng mga frontliners at empleyado sa mga industriyang pinapayagang magbukas. Hinihikayat naman ang mga lumalabas na magbisikleta.
May kaugnayan: LIST: Modes of transportation allowed, prohibited in areas under MECQ
Una nang sinabi ni Marikina City Mayor Marcy Teodoro na tutol siya sa pamimigay ng quarantine pass kahit noong naka-ECQ pa sa dahilang maabuso pa raw ito. Sumusunod din naman daw sa lockdown ang mga taga-lungsod.
"Isa kami sa isa may pinakamabilis na deceleration rate, pero wala kaming quarantine pass! So mukhang hindi doon sa quarantine pass talaga ang solusyon," sabi ni Teodoro sa isang media report.
Karaniwang isang tao lang kada kabahayan ang binibigyan ng quarantine pass ng mga lokal na opisyal, para sa mga maaatasang lumabas ng bahay para kumuha ng pang-araw-araw na pangangailangan.
Kaugnay ng MECQ bukas, sinabi rin ni Joint Task Force (JTF) COVID Shield commander Lt. Gen. Guillermo Eleazar sa ulat ng ABS-CBN na papayagan din ang mga authorized persons na lumabas sa kanilang bahay.
Dagdag pa ni niya, dapat na naitayo na ang mga checkpoint sa kahabaan ng mga lungsod at provincial borders ngayong gabi bago ipatupad ang MECQ pagsapit ng hatinggabi.
Kahapon lang nang umabot sa 103,185 ang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas, na may 35m569 active cases. Sa bilang na 'yan, 2,059 na ang patay, ayon sa Department of Health. — James Relativo at may mga ulat mula kay Gaea Katreena Cabico at Franco Luna
- Latest