Centralized dispatching system nakikitang solusyon vs Metro traffic
MANILA, Philippines — Inirekomenda ni House Committee on Transportation Chairman Edgar Mary Sarmiento ang centralized synchronized dispatching system para masolusyunan ang lumalalang trapiko sa Metro Manila.
Iminungkahi ni Sarmiento na ang innermost lane ng EDSA ay magiging eksklusibo lamang sa mga bus na gagamit sa sistema ng Metro Rail Transit (MRT) 3 kung saan magbababa at magsasakay ito sa bawat istasyon ng tren.
Habang ang outer lane o yellow lane ay mananatili rin para sa city buses subalit maglalaan ng isang kilometrong pagitan ng bus stops at hihigpitan ang loading at unloading ng mga pasahero bilang bahagi ng centralized dispatch system.
Samantalang ang express bus lane na mapakikinabangan ng MRT commuters ay mag-ooperate hanggang sa Parañaque Integrated Bus Terminal sa South habang sa Valenzuela naman sa North.
Ang nalalabing tatlong lane sa EDSA ay para naman sa lahat ng klase ng pribadong sasakyan na tatalima sa number coding scheme at papayagan lang na gumamit ng outer lane kapag liliko sa intersection.
Iginiit ni Sarmiento, na sa ganitong paraan ay maiiwasan ang pagkakanya-kanya ng mga bus na nakikipag-agawan ng pasahero, naghahabol, tumatambay at lumalabag sa overspeeding.
Dahil dito kaya maaari na umanong lumuwag ang daloy ng trapiko sa kamaynilaan.
- Latest