'Child marriages' gustong tuluyang ipagbawal ni Hontiveros
MANILA, Philippines — Kinumpirma ni Sen. Risa Hontiveros ngayong Martes na naghain siya ng panukalang layong magbawal sa pagpapakasal ng mga bata sa Pilipinas.
Layon ng Senate Bill 162 na protektahan ang kabataan sa pamamagitan ng pagbabawal at pagpapataw ng parusa sa child marriages.
"Child marriage is a human rights violation as it undermines the wellbeing of girls and impedes their personal development. Many will likely end up in poverty as child brides will have limited education and economic opportunities," sabi ni Hontiveros sa isang pahayag.
Sa taya ng Girls Not Brides, isang pandaigdigang samahan ng mahigit 1200 organisasyon, pang-12 ang Pilipinas sa may pinakamalaking bilang ng child brides sa mundo (726,000).
Ayon daw sa pag-aaral ng UNICEF, 15% ng kababaihang Filipina ang ikikanasal bago pa mag-18 taong gulang, habang 2% naman daw ang ipinakakasal bago pa mag-15.
Itinuturing din ng nasabing organisasyon at ng United Nations na paglabag sa karapatang pantao ang pagsasagawa ng child marriages.
Sabi ni Hontiveros, na miyembro rin ng Akbayan, natuklasan nila na marami sa mga child brides ay naikasal sa pamamagitan ng commericial sex and trafficking, maliban sa sistema ng mali-order bride.
Sa mga lugar kung saan matindi ang karahasan gaya ng Marawi, binanggit din ng senadora na tumataas ang child marriages dahil sa kahirapan sa lugar.
"Let our children be children. Let us allow them to grow and fulfill their full potential. Let us end child marriages," kanyang panapos.
Underage marriage pwede sa Islamic laws ng 'Pinas
Bagama't hinihingi ng Family Code na 18-anyos pataas ang taong ikakasal, pinapahintulutan ng Islamic laws sa bansa ang pagpapakasal ng mga menor de edad.
Sa ilalim ng Article 16 ng Code of Muslim Personal Laws of the Philippines, basta't 15-anyos na ang lalaki o nagdadalaga na ang babae ay pwede na siyang ikasal kahit wala pang 18.
"Any Muslim male at least fifteen years of age and any Muslim female of the age of puberty or upwards and not suffering from any impediment under the provisions of this Code may contract marriage. A female is presumed to have attained puberty upon reaching the age of fifteen."
Babala ng mambabatas, hindi pa handa ang mga babaeng ganito ang edad upang maging asawa at ina.
Nailalapit din daw sila sa mga komplikasyon sa panganganak at pagkakahawa ng HIV/AIDS.
Ano ang parusa?
Kung maipapasa, ituturing na pampublikong krimen ang pagsasagawa, pagso-"solemnize" at pakikilahok sa pagpapakasal ng mga bata, at kikilalaning paglabag sa Section 10 ng Republic Act 7610.
Maaaring patawan ng pagkakakulong na prision mayor, o pagkakapiit ng anim hanggang 12 taon maliban sa P50,000 multa.
- Latest