Suspek sa pagpatay kay Batocabe sumuko
MANILA, Philippines — Sumulpot ang isang nagpakilalang gunman sa pagpatay kay Rep. Rodel Batocabe (Ako Bicol party-list) sa mga otoridad noong Huwebes.
Dumiretso sa mga militar ang suspek na si Henry Yuson sa Sorsogon ayon sa isang ulat ng dzBB.
Hawak na ng Philippine National Police sa Daraga, Albay ang diumano'y dating miyembro ng rebeldeng New People's Army.
Pinangalanan din ni Yuson ang alkalde ng Daraga na si Carlwyn Baldo bilang utak ng pagpaslang. Dagdag ng suspek, hindi raw tumupasd sa usapang P5 milyon si Baldo matapos mailigpit ang mambabatas.
Maliban kay Baldo at Yuson, lima pa ang humaharap sa reklamong double murder at multiple frustrated homicide.
Nanindigan naman si Baldo na malinis ang kanyang kamay sa krimen.
Aniya, "easy target" siya kung kaya't napapagbintangan.
"Inosente ako. Huwag nating kalimutan na habang ako ang hantungan ng sisi ay malaya pa rin ang mga totoong may kasalanan," sabi ni Baldo sa Inggles sa isang press conference kahapon.
Itinumba si Batocabe kasama ang kanyang police escort noong Disyembre habang nasa gift-giving event para sa mga senior citizen at may kapansanan.
Makakaharap sana ni Batocabe si Baldo para sa pagka-mayor ng Daraga sa halalang 2019.
Related video:
- Latest