SAF 44 ‘wag gamiting muli - DILG Chief
MANILA, Philippines – Sa araw ng unang anibersaryo ng malagim na engkwentro sa Mamasapano, umapela ang kalihim ng Department of Interior and Local Government na si Mel Senen Sarmiento na huwag gamitin ang mga SAF at namatay na pulis at sundalo ng mga pulitikong tumatakbo sa eleksyon.
“Sana huwag natin haluan ng pulitika. Sana huwag natin kalimutan ang kanilang sakripisyo at hindi pagpiyestahan dahil sa ibang motibo,” dagdag ni Sarmiento.
Ito ang malinaw na sentimiyento ni Sarmiento ng humarap ito sa media kahapon, sa selebrasyon ng ika-25 anibersaryo ng Philippine National Police.
Matapos masampahan ng kaso ng Department of Justice ang mga akusado sa pagkamatay ng SAF ay binubuhay muli ang imbestigasyon sa Senado.
Sinasabi ni Sen. Juan Ponce Enrile na may bago umano siyang ebidensiya laban kay Pangulong Aquino.
Matatandaang kakalabas lamang ng kulungan ni Enrile dahil sa kaso ng pagnanakaw sa kaban ng bayan sa pamamagitan ng kanyang pork barrel. Isa sa mga nagtayo ng partidong UNA si Enrile, kaya’t kapartido nito si Vice President Jejomar Binay.
“Tignan natin ang kanilang sakripisyo as it is,” pakiusap ni Sarmiento. Halos lahat ng mga karakter sa bubuksang imbestigasyon ay tumatakbo sa darating na eleksyon, mula kina Senador Grace Poe hanggang kay dating SAF Commander Getulio Napeñas, ang naging pinuno ng SAF sa panahon ng engkwentro sa Mamasapano.
- Latest