50 Chinese militia vessels, nagkumpulan sa Rozul Reef

MANILA, Philippines — Nasa 50 Chinese Militia Vessels (CMM) ang namataan ng Philippine Coast Guard (PCG) na nagkukumpulan sa Rozul Reef sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay PCG Spokesperson for the WPS, Commodore Jay Tarriela, nagsimula ang pagkukumpulan doon ng mga naturang barko ng China noon pang Hunyo 17.
Nagsagawa aniya ng radio challenge ang dalawang barko nila at isang sasakyang panghimpapawid, ngunit hindi naman tumugon ang mga ito.
Hindi ito ang unang pagkakataon na nagkumpulan sa naturang lugar ang mga naturang mga barko ng China. Dati umano ay mas kakaunti lamang ang mga ito at hindi pa aabot sa 30.
Nagpahayag din ng paniniwala si Tarriela na may dahilan kung bakit naroon ang mga naturang Chinese Maritime Militia vessels.
Maaari aniyang nais ng mga ito na igiit ang kanilang claim sa naturang unoccupied coastal states o di kaya ay gamitin ito bilang isang uri ng intimidasyon.
“It can also be used as a form of intimidation kasi alam naman natin na ang Rozul Reef is also a fishing area ng ating mga mangingisdang Pilipino,” aniya pa.
Muli namang nanindigan si Tarriela na ang naturang reef, na sakop ng Palawan ay nasa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.
- Latest