Live broadcast sa Kongreso aprub
MANILA, Philippines - Lusot na sa House Committee on Public Information ang panukalang batas na magkaroon ng live broadcast sa government stations ang mga nagaganap na pagdinig sa plenaryo ng Kongreso.
Sa House Bill 4049 na inihain ni Buhay partylist Rep. Lito Atienza, papayagan ang live broadcast sa Peoples Television Network Inc. (PTNI) ng lahat ng deliberasyon ng mga mahahalagang panukalang batas.
Sa ganitong paraan umano ay mahihikayat din ang mga mambabatas na dumalo sa sesyon at aktibong makilahok sa mga talakayan.
Layon ng panukala na amyendahan ang section 9 ng Republic Act No. 7306 o ang charter ng PTNI’s na nagdadagdag sa kapangyarihan nito ng pagpapalabas ng live proceedings ng Kamara at Senado ng walang anumang editing o komentaryo.
Pinasalamatan naman ng kongresista ang National Telecommunications Commission (NTC) dahil sa suporta ng ahensiya at patuloy na pakikipag-ugnayan sa mga teknikal na usapin at budget requirements para sa maayos na implementasyon ng panukala sa sandaling tuluyan na itong maisabatas.
Sa pamamagitan din ng live proceedings ay maiiwasan ang railroading ng mga panukala mula sa 2nd at 3rd reading ng walang anumang interpelasyon at debate.
- Latest