Bumaha ng suporta sa social networking sites Justice for Philippine eagle Pamana
MANILA, Philippines – Ito ang nagkakaisang sigaw ng netizens sa patuloy na pagbuhos ng suporta at mainit na paksa sa social networking sites sa pagkalampag sa pamahalaan para sa hustisya sa sinapit ni Pamana.
Sa kasalukuyan ay umaabot na sa P.2 milyon ang pabuya para sa sinumang makapagtuturo sa pagkakakilanlan sa pagbaril at pagkakapatay kay Pamana sa Mt. Hamiguitan Range Wildlife Sanctuary sa Davao Oriental noong Agosto 16.
Kabilang sa nagbigay ng pabuya nang P.1 milyon ay ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) at tig P 50,000 naman mula kina Davao Oriental Gov. Corazon Malanyaon at ABS Matang Lawin television host Kim Atienza.
“We want justice for Pamana,” pahayag ng isang nagpakilalang ‘birds lover at environmentalist sa kaniyang twitter account.
“Walang konsensya ‘yan, bitayin,” ayon naman kay Juliane sa kaniyang facebook account.
Ang isyu ng pagkakabaril kay Pamana ay naging trending at mainit na paksa sa twitter at facebook account na labis na nalulungkot sa sinapit ng Philippine eagle sa malupit na kamay ng pinaghahanap pang killer nito.
Ang Philippine eagle ay itinuturing na pambansang ibon simula pa noong Hulyo1995.
Sa ilalim ng batas, ang Philippine eagle ay protektado ng pamahalaan sa ilalim ng Republic Act No.9147(Wildlife Resources Conservation and Protection Act).
Sinumang mapatunayang lumabag ay mahaharap sa pagkakabilanggo mula anim hanggang 12-taon at multang mula aabot sa P.1 milyon hanggang P1 milyon.
Samantala, ang pangangaso sa itinuturing na ‘protected area’ ay may katapat na kaparusahang 6-taong pagkakabilanggo at P.5 milyong multa.
Magugunita na si Pamana ay pinawalan sa bayan ng San Isidro, Davao Oriental noong Hunyo 12, 2015 matapos itong gamutin sa tinamong tama ng bala may 3 taon na ang nakalipas.
Sa kasalukuyan, ayon naman kay Davao Oriental PNP chief P/Senior Supt. Joseph Sepulchre, patuloy ang operasyon laban sa killer ng Philippine eagle.
- Latest