Sen. Binay hindi bibitaw sa kaso ni Poe sa Senate Electoral Tribunal
MANILA, Philippines - Walang planong mag-inhibit si Sen. Nancy Binay sa pagdinig ng Senate Electoral Tribunal (SET) sa petisyong nakahain laban sa mambabatas.
Ayon pa kay Sen. Binay, dadalo siya sa lahat ng pagdinig at babasahing mabuti ang mga ebidensiyang ihaharap laban kay Poe na kinukuwestiyon ang pananatili sa Senado dahil sa isyu ng kanyang citizenship.
“Dadalo ako sa lahat ng pagdinig, babasahin kong mabuti ang mga ebidensya at makikinig sa parehong panig. Hindi ako maniniwala sa sabi-sabi at haka-haka o magpapadala sa daloy ng pulitika,” sabi ni Binay.
Idinagdag ni Binay na ang ebidensiya at ang Konstitusyon at hindi ang pulitika ang magiging gabay niya bilang miyembro ng SET.
“Evidence and the Constitution will guide me, not politics,” sabi ni Binay.
Tiniyak rin ni Binay na magiging patas siya at paiiralin ang rason sa pagdinig sa petisyon laban sa kasamahang senador na posibleng makalaban ng kanyang amang si Vice President Jejomar Binay sa presidential election sa susunod na taon.
Wala rin aniyang dapat ipag-alala si Poe at dapat lamang itong magpakita ng ebidensiya upang kontrahin ang nakahaing petisyon laban sa kanya.
Ang SET ay pinamumunuan ni Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio habang miyembro nito sina Sen. Binay, Senators Loren Legarda, Paolo Benigno Aquino IV, Pia Cayetano, Cynthia Villar at Vicente Sotto III. Miyembro rin sa panig ng SC sina Associate Justices Teresita Leonardo de Castro at Arturo Brion.
- Latest