Ilan pang gamit ng SAF nabawi
MANILA, Philippines - Ilan pang gamit ng mga nasawing miyembro ng 55th Special Action Company ng Special Action Force-Philippine National Police (SAF-PNP) sa Mamasapano ang itinurnover ng AFP sa pulisya.
Ayon kay Lt. Harold Cabunoc, hepe ng Public Affairs Office ng AFP, ang mga gamit na nakuha ng 601st Infantry Brigade ay hindi lamang galing sa mga miyembro ng MILF kundi maging sa iba’t ibang personalidad sa Maguindanao.
Posible umanong sila ang kumuha o napasahan lamang ng mga gamit ng SAF.
Kinikilala ng AFP ang naging papel ng civilian non-government organizations, civilian residents at religious leaders na namagitan para marekober ang mga gamit.
Ilan sa mga unit na isinauli ang limang night vision goggles, tatlong laser target pointers, dalawang night fighting devices, dalawang units night vision monocular, tatlong units ng hand-held Harris radios, isang NEBO PROTEC laser designator, dalawang gas masks, isang kevlar helmet, isang set vest, isang pares ng combat boots, isang lower uniform pants at dalawang gun protective cases.
Sinabi pa ni Cabunoc na nagpapatuloy ang paghahanap sa iba pang nawawalang gamit ng SAF na posibleng napunta sa MILF, BIFF o ilang residente sa Mamasapano.
- Latest