2 Pinoy patay, 16 pa missing barko lumubog
MANILA, Philippines – Dalawang tripulanteng Pinoy ang nasawi habang 16 pa ang nawawala at isa ang nasagip nang lumubog ang kanilang sinasakyang barko sa katimugang bahagi ng Vietnam noong Biyernes.
Base sa report ng Vietnam-based news website Tuoitrenews.com, narekober ang dalawang katawan habang isa ang na-rescue nang tumaob hanggang sa lumubog ang cargo ship Bulk Jupiter, may 150 nautical miles sa karagatan ng Vietnam noong Enero 2.
Nabatid na lulan ng barko ang may 19 Pinoy crew at may kargang 46,400 metric tons ng bauxite nang umalis ito sa Kuantan, Malaysia noong Disyembre 30 patungong China.
Isang distress call ang natanggap ng Japanese Coast Guard mula sa Bahamas-flagged ship Bulk Jupiter at agad na nagsagawa ng search and rescue operations sa nasabing lugar.
Maging ang Vietnamese national rescue committee ang nagpadala ng rescue teams sa site upang tumulong sa paghahanap sa mga crew na nawawala nang makatanggap sila ng emergency signals mula sa naturang barko bandang alas-9:41 ng umaga noong Biyernes.
Isang lifeboat na walang laman at life raft ang natagpuan ng isang barko na tumutulong sa search and rescue operations sa lugar.
Sa statement ng Gearbulk, may-ari ng lumubog na barko, ipinagpapatuloy ang paghahanap sa pangunguna ng Singapore Maritime Rescue Coordination Center sa mga nawawalang Pinoy.
Habang sinusulat ang ulat na ito, wala pang kumpirmasyon ang Department of Foreign Affairs kaugnay sa nasabing paglubog ng barko.
- Latest