Paglabag sa discounts ng senior citizens iimbestigahan
MANILA, Philippines - Nakatakdang imbestigahan ng Senate Committees on Justice and Human Rights at Social Justice, Welfare and Rural Development ang mga paglabag sa batas na nagtatakda ng diskuwento na dapat ibigay sa mga senior citizens base sa Republic Act 7432 at 9994.
Sa Senate Resolution 1042 na inihain ni Sen. Grace Poe sinabi nito na ilang beses ng napapaulat ang reklamo ng mga senior citizens laban sa mga establisimyento na hindi nagbibigay ng tamang diskuwento base sa itinatakda ng batas.
Ayon kay Poe, bagaman at 20 porsiyentong discount ang dapat ibigay sa mga senior citizens, may isang sikat na restaurant na nagbibigay lamang ng P100 flat discount sa “food for home delivery” para sa senior citizen at kinakailangang umabot pa sa P2,500 ang minimum order nito.
Mayroon din aniyang insidente kung saan hindi ibinigay ang 20% discount sa senior citizen dahil ayon sa management ng isang hotel ay nabigyan na ito ng diskuwento sa kinuhang promo at ang pagbibigay ng karagdagang discount ay pasok sa “double discount”.
May mga senior citizens ding hindi nabibigyan ng discount dahil hindi maipakita ang kanilang Senior Citizen’s ID sa kabila ng pagpi-presenta ng ibang IDs at dokumento kung saan makikita ang kanilang tunay na edad.
Idinagdag ni Poe na may mga grocery stores din na hindi na hinihingi ang purchase booklet ng senior citizen at nililimitahan na lamang sa P65 ang discount at limang porsiyentong discount naman ang ibinibigay sa mga prime commodities at mga pangunahing pangangailangan nito kahit pa magkano ang binili.
Ayon sa National Statistics Office’s (NSO), ang mga senior citizens sa bansa ay umaabot na sa 6.8 milyon.
Sinabi ni Poe na mahalagang masigurado na malinaw na naipapatupad ang batas upang hindi magmukhang kawawa ang mga senior citizens sa paghingi nila ng discount. (Malou Escudero)
- Latest