Seguridad ni Marcos Jr. dinoble higpit
MANILA, Philippines — Matapos magbanta si Vice President Sara Duterte, dinoble na ng Presidential Security Command (PSC) ang bilang ng security personnel na nakatalaga kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sinabi ni Major Nestor Endozo, Civil Military Operations officer ng PSC, na naka-red alert na ngayon ang kanilang hanay.
Dagdag pa ni Endozo na nagpatawag na ng emergency meeting si PSC commander Brig. General Jesus Nelson Morales ilang oras matapos ang pagbabanta ni VP Duterte.
“Ang instructions samin dito ido-double natin ang security ni President, lalo sa mga upcoming activities,” pahayag pa ni Endozo.
Wala pa namang abiso ang Presidential Communications Office (PCO) at Presidential Management Staff (PMS) sa PSC kung lilimitahan o babawasan ang mga public engagements ni Pangulong Marcos.
Ito ay dahil panay ikot ng Pangulo sa ibat ibang bahagi ng bansa para bigyan ayuda ang mga biktima ng anim na magkakasunod na bagyo.
Hindi rin aniya natalakay sa pulong ng PSC kung lalagyan ng bullet proof glass ang gagamiting podium ng Pangulo sa mga public engagement.
Hinihintay rin ng PSC ang utos ni Morales kung papagsuutin ng bullet proof vest ang Pangulo sa kaniyang mga aktibidad sa labas ng Palasyo at didepende rin kung gusto itong isuot ng punong ehekutibo.
- Latest