Senate probe kay Binay itigil na - PNoy
MANILA, Philippines – Nanawagan kagabi si Pangulong Aquino sa liderato ng Senado na tapusin na nito ang imbestigasyon kay Vice-President Jejomar Binay upang matutukan na nila ang kanilang trabaho.
Sinabi ng Pangulo sa media delegation sa APEC summit, nirerespeto nito ang kapangyarihan ng Senado pero mas mainam na ibuhos na lahat ang ebidensiya laban kay VP Binay kaysa sa pautay-utay na ginagawang paggisa sa bise presidente ng Senate Blue Ribbon sub-committee na pinamumunuan ni Sen. Koko Pimentel.
Magugunita na noong nakaraang buwan ay nakipag-usap si Binay kay PNoy sa Bahay Pangarap at nakiusap na baka puwedeng ipatigil na nito sa kanyang kaalyado sa Senado ang imbestigasyon laban sa kanya.
Kamakalawa ay sinabi naman ni Senate President Franklin Drilon na tinawagan siya ng Pangulo kung puwedeng ipatigil na nito ang imbestigasyon sa bise presidente sa pakiusap na rin ni Binay.
Umalis na rin kagabi ang Pangulo sa Beijing, China upang dumalo naman sa ASEAN Summit sa Nay Pyi Taw sa Myanmar.
- Latest