4 OFWs utas sa Saudi
MANILA, Philippines - Apat na overseas Filipino workers (OFWs) ang nasawi matapos na bumangga ang sinasakyang 15-seater van sa isang concrete barrier sa Saudi Arabia noong Lunes.
Ayon kay Foreign Affairs Spokesman Raul Hernandez, kinilala ang mga biktima na sina Imm Paredes, Jorwin Pagatpatan, David Sales at Crisente Sayo na nagtatrabaho bilang mga tea boy at messenger. Magkakatabi at natutulog sa upuan ang mga biktima nang humampas ang sinasakyang van sa isang konkretong harang sa daan at sa lakas ng impak ay tumilapon ang mga ito sa sasakyan.
Agad na namatay sa pinangyarihan ng insidente si Paredes habang ang tatlo ay binawian ng buhay habang ginagamot sa Mouwasat Hospital. Ilan pa ang bahagyang nasugatan.
Ang apat na OFWs ay kasama sa grupo ng 15 Pinoy na naaksidente habang bumibiyahe mula Riyadh patungo sa isang beach sa Dammam.
Nakikipag-ugnayan na ang mga embassy officials sa employer ng mga biktima para sa anumang tulong na maibibigay ng embahada sa repatriation ng mga labi ng apat na OFWs at sa mga sugatan.
Pinaghahanap na rin ang Bangladeshi national na nagsilbing driver ng van at supervisor ng mga OFWs na nakilalang si Bilal Hussein na tumakas matapos ang insidente.
Sinasabing nakatulog umano ang naturang driver habang mabilis na nagmamaneho hanggang sa mawalan ng kontrol ang manibela at 10 beses na nagpagulong-gulong ang sasakyan bago ito bumangga sa konkretong harang sa highway dakong alas-4 ng madaling-araw ng nasabing araw.
- Latest