Marcos ‘di makikialam sa impeachment ni VP Sara
MANILA, Philippines — Ipinapaubaya na ng Malakanyang sa Senado ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Kasabay nito, nanindigan si Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro na hindi makikialam si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung ano ang magaganap sa impeachment ni VP Sara.
“Iyan usapin na iyan ay nasa Senado na at hindi makikialam ang Pangulo kung ano ang magaganap diyan,” sinabi pa ni Castro.
Ang tanging hiling lang nila ay gampanan ng mga senador ang kanilang obligasyon, hindi lang para sa isang tao kundi para sa lahat ng taumbayan.
Wala rin aniyang nagbago sa posisyon ng Pangulo kahit bago pa magsimula ang midterm elections na hindi siya makikialam sa impeachment kahit sino pa ang mga kongresista at mga senador na maupo sa 20th Congress.
“Di makikialam ang Pangulo kung ano man ang mangyayari diyan. Basta tingnan natin kung sino yung dapat managot. Kung sino yung dapat ma-acquit, basta tayong lahat ay para sa batas. Kung ano yung naayon sa batas, siya ang dapat sundin”, ayon kay Castro sa panayam ng TeleRadyo.
- Latest