P20 bigas larga na sa Metro Manila

MANILA, Philippines — Maaari na rin makabili ang publiko ng P20 kada kilo ng bigas sa Metro Manila.
Sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro na hindi lang sa Visayas kundi sinimulan na rin pagkatapos ng eleksyon ang pagbebenta ng murang bigas sa KADIWA centers sa Metro Manila.
Alinsunod aniya ito sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palawigin ang pogramang pinasimulan sa Cebu City nitong Mayo 1.
“Nagsimula nang magbenta sa ilang Kadiwa centers sa National Capital Region,” ayon pa kay Castro.
Mabibili aniya ang bente pesos kada-kilo na bigas sa mga Kadiwa center sa DA Central Office; Levi Town sa Barangay San Antonio, Parañaque City; AmVa MPC Housing sa Valenzuela City; Kadiwa sa Bureau of Plant Industry sa Maynila; Malabon, Taguig, Mandaluyong, Pasay City, Agora Market at Navotas City hall.
Magkakaroon na rin ng P20 kada kilo ng bigas sa 32 Kadiwa Centers sa Bulacan, Cavite, Laguna, Mindoro at Rizal.
Umaasa naman si Castro na sa pamamagitan ng bente pesos kada kilo ng bigas ay mahahatak nito ang presyo sa mga palengke na hindi maapektuhan ang kabuhayan ng mga magsasaka.
- Latest