Bayani sisipa na sa survey
MANILA, Philippines - Mabilis nang sisipa sa survey ang Tambay partylist vice-presidential bet at dating Metro Manila Development Authority Chairman Bayani Fernando dahil humahataw na ito sa mga nagdaang survey sa pagkapangulo kahit hindi pa ito nagdedeklara ng kanyang tatakbuhing posisyon.
Ayon kay Ang Tao Muna at Bayan President Ed Cordevilla, malaki ang paniniwala ng kanilang grupo na uungos na sa survey si Fernando lalo ngayong nagdeklara na ito na tatakbo bilang bise-presidente sa darating na 2010 election.
Anila, isang tulad ni Fernando ang kinakailangan ng mga estudyante, empleyado, OFWs at iba pang sektor ng lipunan na magpapatakbo sa bansa. Una ng nagpahayag ng suporta ang Tambay partylist kung saan kumakatawan ito sa milyun-milyong Filipinong walang trabaho sa loob at labas ng bansa.
Batay sa rekord, mahigit 8 milyong Pinoy ang walang trabaho ngayon habang 6 milyon naman ang underemployed. Sa pag-aaral, lumalabas na mahigit sa 40 milyong Pinoy ang namimilipit na pagkasyahin ang isang dolyar o P49.00 sa isang araw para mabuhay.
Bunsod nito, mithiin ni Fernando na mabigyan ng trabaho ang nasabing bilang ng mga Pinoy na naghihirap kaya sinuportahan din ito ng Tambay partylist. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending