Poll automation sa 2010 OK sa Korte Suprema
MANILA, Philippines - May go signal na ang full automation sa 2010 polls.
Ayon sa isang source na tumangging magpabanggit ng panglan na sa naganap na en banc session ng mga mahistrado ng Korte Suprema kahapon ay nakakuha ng botong 11-3-1 kung saan pinagbigyan ng mga mahistrado ang full automation sa 2010 elections.
Ang mga tumutol umano ay sina Justices Antonio Carpio, Conchita Carpio-Morales at Arturo Brion habang on leave naman si Justice Leonardo Quisumbing.
Hindi naman kinumpirma ni SC Spokesman Atty. Midas Marquez ang nasabing botohan ng mga mahistrado, aniya, sa Huwebes pa ipalalabas ang kopya ng desisyon dahil hinihintay pa ang opinion ng ilang mahistrado.
Una ng hiniling ng grupong Concerned Citizen Movement sa pangunguna ni Atty. Harry Roque sa KS na ipawalang bisa nito ang kontratang nilagdaan ng Comelec sa pagitan ng Smartmartic-Total Information Management.
Iginiit ng mga ito na labag sa batas ang nasabing kasunduan dahil batay sa isinasaad ng batas ay dapat na makapagsagawa muna ng pilot testing ng mga makinang gagamitin sa halalan sa buong bansa bago ipatupad ang computerized system na halalan. (Gemma Garcia)
- Latest
- Trending



















