Drug test sa OFWs hirit ng PDEA
MANILA, Philippines - Kokunsultahin ng Philippine Drug Enforcement Agency ang Philippine Overseas Employment Administration para isama sa mandatory drug test ang mga overseas Filipino worker bago sila payagang maka pagtrabaho sa ibang bansa.
Sinabi kahapon ni PDEA Dir.Gen. Sr. Undersecretary Dionisio Santiago na umaayon sila sa mungkahi ng POEA na dapat munang konsultahin ang lahat ng mga nasasangkot bago obligahing magpa-drug test ang mga OFW dahil dagdag ito sa kanilang gastusin.
Ang mandatory drug test ay bahagi ng programa para imulat ang mga OFW sa problema sa droga at sa operasyon ng mga drug trafficker na gumagamit sa mga OFW sa pagpupuslit ng droga sa ibang bansa.
Sinabi ni Santiago na ang pagdami ng mga Filipino na inaaresto at ikinukulong sa ibang bansa dahil sa pagkakasangkot sa drug mules ay nakakaalarma na kaya nakipag-ugnayan na ang PDEA sa POEA sa nakaraang paglagda sa Memorandum of Agreement ng dalawang ahensiya. (Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending