Panelo pinitik ng impeachment court sa puna sa senator-judges

MANILA, Philippines — Maglalabas ng show cause order ang Senate impeachment court laban kay Atty. Paolo Panelo, tagapagsalita ni Vice President Sara Duterte, dahil sa pagkuwestyon umano nito sa pagiging patas ng ilang senator-judges sa impeachment trial.
Sa ika-45 araw ng paglilitis, binanggit ni Sen. Erwin Tulfo ang mga pahayag ni Panelo kung saan inakusahan umano nito ang ilang senator-judges na sinira ang kredibilidad ni Rainer Dela Fuente, testigo ng depensa.
Ayon kay Tulfo, bagama’t tagapagsalita ng Bise Presidente si Panelo, hindi siya partido sa kaso at hindi dapat nagbibigay ng mga komentong maaaring makaapekto sa impeachment proceedings o makabawas sa integridad ng mga senator-judges.
Dahil dito, sinabi ng senador na maituturing na kawalan ng paggalang sa impeachment court ang naturang mga pahayag.
Nilinaw naman ni Senate Presiding Officer Sen. Francis Escudero na hindi maaaring patawan ng parusa si Panelo sa ilalim ng sub judice rule ng impeachment court. Gayunman, maaari pa ring gamitin laban sa kanya ang mga probisyon ng Rules of Court kaugnay ng contempt o paglapastangan sa hukuman.
Dahil dito, hiniling ni Tulfo na pagpaliwanagin si Panelo sa kanyang mga naging pahayag o ipatawag siya sa impeachment court upang sagutin ang isyu.
- Latest















