Cale88 zero employee noong 2024, 2 noong 2025
MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Board of Investment (BOI) ng Department of Trade and Industry (DTI) na walang empleyado ang kumpanyang Cale88 noong 2024, habang dalawa lang ang kanilang empleyado noong 2025.
Ito ay sa kabila ng naiulat na umabot sa hindi bababa sa P1 bilyon ang gross sales ng nasabing kumpanya base na rin sa ulat ng Anti-Money Laundering Council (AMLC).
Sa ika-45 impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, isinailalim sa cross-examination ni Atty. Erwin Matib, abogado ng prosecution panel si DTU Undersecretary at managing head ng BOI si Ceferino Rodolfo.
Dito, ipinabasa kay Rodolfo ang mahahalagang bahagi ng General Information Sheets (GIS) ng Cale88 para sa taong 2024 at 2025 na isinumite sa Securities and Exchange Commission (SEC).
Lumalabas na mayroong tatlong opisyal ang kumpanya, subalit walang rank and file employee at walang manpower complement noong 2024.
Sa 2025 GIS naman, nakasaad na mayroon lang itong dalawang opisyal at dalawang empleyado, habang wala pa rin nakatalang manpower complement.
Paliwanag naman ni Rodolfo, may kopya ang BOI ng mga naturang dokumento dahil bahagi ito ng kailangan ng ahensiya para sa registration ng negosyo tulad ng Cale88.
Ang Cale88 ay itinatag noong 2012 ng asawa ni Vice president Sara Duterte na si Atty. Manases Carpio, kasama ang business partner nito na si Lourdes Lebosada kung saan pareho silang may 47.5% na pagmamay ari at may paid up capital na P125,000.
Maliban sa ulat na mahigit na P1B gross sales, ayon sa AMLC nakatanggap ang Cale 88 ng P776M foreign remittances mula 2022 hanggang 2025, kabilang ang P319M mula sa China.
- Latest





















