May AH1N1, 14 na!
MANILA, Philippines - Umabot na sa 14 ang bilang ng kumpirmadong kaso ng AH1N1 virus sa bansa pero tuloy ang pagbubukas ng klase sa Lunes.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque, bagama’t nadagdagan ng apat ang may sakit nito sa bansa ay wala naman umano silang na kikitang sapat na dahilan ng Department of Education (DepEd) upang ipagpaliban ang simula ng klase dahil wala pa sa isang porsiyento ang namamatay sa sakit na ito na itinuturing na mild form.
Ang apat na bagong biktima ng influenza ay kinabibilangan ng isang 19-anyos na babae at 7-taong-gulang na batang babae na kapwa nagbiyahe sa Estados Unidos, at isang 2-anyos na batang babae at 20-anyos na lalaki na pawang nakasalamuha naman ng mag-inang Taiwanese sa dinaluhang kasalan sa Zambales.
Nilinaw naman ng kalihim na ang mga ito ay nagtataglay lamang ng “mild symptoms” ng naturang sakit at mas mataas pa ang death rate ng sakit na dengue.
Sa kasalukuyan ay mahigpit na minomonitor ng DOH ang kondisyon ng apat at patuloy naman aniyang bumubuti ang kalagayan ng mga ito.
Samantala, nilinaw naman ni Health Undersecretary Mario Villaverde na walang community outbreak ng AH1N1 virus sa Zambales, kahit pa patuloy na nadaragdagan ang bilang ng mga nagpo-positibo sa virus na pawang nagsidalo sa isang kasalan sa Zambales na dinaluhan ng mag-inang Taiwanese na infected ng swine flu.
- Latest
- Trending