^

Bansa

Kamara: P115 bilyon lang, hindi P1 trilyon!

Joy Cantos - Pilipino Star Ngayon

Pinasinungalingan amyenda sa budget

MANILA, Philippines — Pinasinungalingan ng Kamara nitong Lunes ang alegasyong umabot sa P1 trilyon ang mga amyenda sa panukalang 2027 national budget, at nilinaw na nasa P115 bilyon lamang ang kabuuang halaga ng mga isinagawang pagbabago.

Sa press briefing, sinabi ni Camarines Sur 4th District Rep. Arnie Fuentebella na ang aktuwal na amendments sa P7.2 trilyong 2027 General Appropriations Bill (GAB) na isinagawa ng House Budget Amendments Review Subcommittee (BARSC) ay P115 bilyon lamang, malayo sa mga paratang na umabot ito sa P1 trilyon o mahigit P190 bilyon.

“It’s only 115 billion. Just to clarify lang po. ‘Yung amendment na ginawa ng BARSC is only 115 billion,” ani Fuentebella.

Ayon naman kay Bataan 2nd District Rep. Albert Garcia, karamihan sa mga amyenda ay nagmula mismo sa mga ahensiya ng gobyerno kaugnay ng mga proyektong hindi naisama o na-overlook sa paghahanda ng orihinal na budget proposal para sa susunod na taon.

Sinabi rin ni Garcia na ang mga pagbabago ay batay sa mga pa­ngangailangan na itinukoy ng mga ahensiya. Ang House Committee on Appropriations ay pinamumunuan ni Rep. Mika Suansing na kasaluku­yang naka-maternity leave.

Hinamon din ni Garcia ang mga kritiko na tukuyin ang mga proyektong sinasabing bahagi ng umano’y P1 trilyong am­yenda sa halip na magbato ng alegasyong walang sapat na ebidensiya.

“It’s easy to make sweeping allegations. One trillion ’yung in-amend. Pero tingnan natin nasaan per project para talagang ma-trace natin,” aniya.

Samantala, nilinaw naman ni Surigao del Sur 1st District Rep. Romeo Momo Sr. na hindi na­ngangahulugan ang mga amyenda na ang buong halagang tinukoy ay ina­lis sa isang ahensiya at inilipat sa iba.

“So ang akala nila na ’yung whole amount na iyan ay binawas at dinagdag sa iba. Hindi,” giit ni Momo.

BUDGET

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with