VP: Pinas dapat panatilihin ugnayan sa China

MANILA, Philippines — Naniniwala si Vice President Sara Duterte na dapat panatilihin ng Pilipinas ang magandang relasyon nito sa China.
Ginawa ni Duterte ang pahayag sa kanyang kamakailang pagbisita sa mga Pilipino sa Hong Kong. Nagtungo si Duterte sa HK para sa serye ng mga aktibidad mula Nobyembre 6-8.
Sinabi ni Duterte na kapag nasira ang relasyon ng dalawang bansa ay may mga Pilipino na mawawalan ng negosyo at trabaho.
“Kapag nasira ‘yung relasyon ng Pilipinas at ng China, ay mawawalan ng negosyo at trabaho ‘yung ating mga kababayan. Kaya kailangan talaga na i-maintain yong good relations sa People’s Republic of China,” ani Duterte sa pakikipagpulong sa mga OFW.
Ipinunto rin ni Duterte na mayroong independent foreign policy ang Pilipinas, na nangangahulugang dapat lamang isulong ng bansa ang sarili nitong mga interes.
Binanggit din ni Duterte ang umiiral na sigalot sa teritoryo sa West Philippine Sea, ngunit sinabi niyang kailangang timbangin ito laban sa iba pang mga interes ng bansa.
“Baka hindi namin maibigay bilang isang bansa ‘yung trabaho at oportunidad na hinahanap ng mamamayan namin. So hindi kita aawayin para lang sa territorial dispute,” aniya.
Ang dapat aniya ay bumuo ng isang team ng mga diplomats at ipadala sa lugar kung saan puwedeng makipag-usap.
“Dapat tinutulak lagi ng pamahalaan ang interes ng Pilipinas sa lahat ng relasyon nito. Hindi natin dapat buhat-buhat ang interes ng isang politiko lamang, isang negosyante lamang, o interes ng ibang dayuhan,” dagdag ni Duterte.
- Latest
















