Pumatay sa vlogger tukoy na
MANILA, Philippines — Tukoy na ng binuong special task force ng Northern Police District (NPD) ang riding-in-tandem na naglikida sa pro-administration vlogger na si Mima Alicia Lipata o “Mima Alicia” noong Biyernes ng madaling araw, sa Caloocan City.
Ayon sa NPD, isa sa dalawang suspek ang tinutugis na ng mga tauhan ng Special Investigation Task Group (SITG) bagamat nakiusap sa media na hindi pa maaaring idetalye upang hindi masunog ang isinasagawang operasyon.
Nitong Sabado nang ihayag ni NPD Director Police Brig. General Benliner Capili na binuo ang Special Investigation Task Group “MIMA” para tumutok sa imbestigasyon.
Iniutos ni Capili sa task group na pakilusin ang buong puwersa ng investigative at intelligence resources upang agad na matunton ang mga suspek.
Batay sa ulat, ang vlogger na si Alicia “Mima Alicia” Lipata, 24-anyos , at live-in partner na si alyas “Nelboy,” 25, ay pinasok sa inuupahang bahay sa Barangay 171, Caloocan City, bandang alas-3:06 ng madaling araw nitong Biyernes, Hulyo 17.
Si Lipata, isang miyembro ng United Vloggers and Influencers of the Philippines, ay kilala bilang tagasuporta ng administrasyong Marcos at kritiko ni Vice Pres. Sara Duterte at mga personalidad na may kaugnayan sa pamilyang Duterte.
Pinakahuling vlog ni Lipata ang pagbatikos sa paliwanag ni Atty. Michael Poa sa sinasabing ‘bloodbath’ ni VP Sara, mga pagkaing ihahain umano sa Senado ay may lason at ang isyu ng abortion na tinalakay niya at ibinatay sa vlog ng ibang content creator-commentator.
- Latest




















