Black Widow (65)
WALANG ibang mapagsabihan ng kanyang problema si Jam kundi si Marie. At wala naman siyang magawa para rito. Problema ng pamilya ito. Pero naisip niya, ano kaya at siya ang kumausap sa asawa ni Jam. Bakit nga hindi? Baka iyon ang makasolb sa dinaranas ni Jam.
“Gusto mo kausapin ko ang asawa mo, Jam?’’
Napatigil sa pagsinghot si Jam. Pinunasan ng tissue ang luhaang mga mata. Saka tumingin sa kanya. Parang nabuhayan ng pag-asa si Jam.
“Magagawa mong kausapin siya?’’
“Oo. Baka iyon ang solusyon sa problema.’’
“Baka ka mapahiya, Marie. Huwag na lang kaya. Pati ikaw madadamay sa problema ko.’’
“Paano natin malalaman kung hindi gagawin. Hindi naman siguro ako dadaragan ng asawa mo. Edukado naman siya di ba?’’
“Kahit edukado e nagiging bastos din. Baka mapagsalitaan ka nang hindi maganda. Baka lalo lang lumala ang problema.’’
“Paano kita matutulungan. Iyon lamang ang alam kong paraan. Kasi’y naaawa ako sa’yo. Masyado nang masakit ang nararamdaman mo.’’
Hindi nakapagsalita si Jam. Parang tumagos sa dibdib niya ang mga sinabi ng kaibigan.
“Babae rin kasi ako at ina kaya, dama ko ang nararamdaman mo.’’
“Salamat Marie. Ikaw na lang talaga ang nakakaintindi sa akin. Kahit kasalanan ko rin kung bakit nangyari ang lahat nang ito e hindi mo ako iniwan. Talagang kaibigan kita, Marie.’’
“Higit pa nga roon, bruha. Kapatid na nga ang turing ko sa’yo. Kaya nga para matapos na ang lahat, naisip kong kausapin na ang asawa mo. Baka naman pakinggan niya ako.’’
“Huwag muna ngayon. Palipasin muna natin ang ilang araw. Baka kasi sariwa pa ang nangyaring pagpunta ko sa bahay nila at lalong tumigas ang loob ng asawa ko.’’
“Talaga bang nakiusap ka nang todo sa asawa mo para lamang makita ang mga anak mo?’’
“Oo. Nilakasan ko talaga ang loob ko. Umiyak at lumuhod nga ako sa harapan niya. Sabi ko kahit masilip ko lang ang dalawang bata. Kahit saglit lang. Pero ayaw talaga. Pinaalis agad ako. Huwag na raw akong magpumilit at walang mangyayari. Kahit daw dalhin sa korte e lalaban siya.’’
“Matigas nga.’’
“Kaya nga huwag muna nating ituloy ang balak at baka mabastos ka lamang.’’
“’Yung babae --- ‘yung asawa niya naroon?’’
“Hindi ko nakita.’’
“So saka na lang natin gawin ang naisip ko?’’
‘‘Oo.’’
“Halika sa bahay ka na lang matulog ngayon. Magkuwentuhan tayong magdamag.’’
“Mabuti pa nga Marie. Para mabawasan ang dalahin ko. Pero baka maabala ka at si Pau. Kakahiya naman.’’
“Ay ang arte ng ale! Halika na nga.’’
Tumayo sila at lumabas ng restaurant.
Paglabas nila, nakita ni Marie si Jose.
“Jose!”
(Itutuloy)
- Latest