^

True Confessions

Halimuyak ni Aya (311)

Ronnie M. Halos - Pilipino Star Ngayon

ISANG araw makaraang mailibing si Lolo Ado, pinagtuunan ng pansin ni Sam ang mga gamit na iniwan ng mga namayapang matanda. Siya na ang magpapasya sa bahay na iniwan ng dalawang matanda.

Nang buksan ni Sam ang lumang aparador, nakita niya roon na maayos na nakalagay sa makapal na envelope ang mga titulo ng lupa. Nang basahin niya, nakapangalan na sa kanya ang mga iyon. Noon pa, inayos na ng da­lawang matanda ang mga dokumento. At nito lang makaraang mamatay si Lola Cion, sinabi sa kanya ni Lolo Ado na nilipat na ang pagmamay-ari ng kanilang kabuhayan. Humanga si Sam sa lolo at lola. Bago lumisan ang dalawa ay sinigurado ang kinabukasan ni Sam. Tiniyak na hindi ito maghihirap. Ilang titulo ng lupa ang nakita ni Sam. Kabilang doon ang bukid na maraming tanim na mangga at lansones. Alam ni Sam na kaya na­kabili ng lupain sina Lolo at Lola ay dahil sa perang ibinigay ni Mama Brenda noon. Mahusay mag-manage ng pera ang dalawang matanda kaya maraming nabiling ari-arian.

Nakita rin ni Sam sa ilalim ng mga titulo ang isang ATM card ni Lolo Ado. Nakadikit sa ATM ang PIN number. Siniguro ng matanda na magagamit agad ni Sam ang card. Tiyak ni Sam, ang perang laman ng ATM ay nagmula sa pinagbilhan ng mangga, palay at saging. Noon pa man, sinabi ng dalawang matanda na ang ginagastos nila sa araw-araw ay galing sa pinagbilhan ng mga ani sa bukid.

Pero hindi lamang pala iyon ang magpapagulat kay Sam sapagkat mayroon pa palang perang nakatago sa isang makapal na brown envelope. Nakatali pa ng lastiko ang bungkos ng pera. Iyon marahil ay kabilang pa sa perang ibinigay ni Mama Brenda. Medyo luma na ang mga P1,000 bills na nakatali. Sa tantiya ni Sam ay mga P50,000 ang mga iyon. Humanga uli siya sa dalawang matanda. Napaka-sinop ng mga ito. Napaghandaan tala­ga ang kinabukasan ni Sam. At hindi nag-iwan ng problema kagaya ng mga titulo ng lupa na nailagay agad sa pangalan niya. Napaka-organisado ng dalawang matanda. Kaha­ngahanga talaga.

Nagpatuloy siya sa pag-halungkat sa iba pang mga gamit sa loob ng aparador. Nakita niya ang mga lumang damit. May mga damit pa si Sam noong nasa high school siya. Hindi pa pala naitatapon ang mga iyon.

Hanggang sa makita niya ang mga sobre na nasa ilalim ng mga damit. Ang mga sobre ay madidilaw na dahil sa kalumaan. Galing ibang bansa ang sulat. Nang tingnan niya ang selyo sa sobre ay nakasaad na galing sa Saudi Arabia. Na­kalarawan sa selyo ang Dates o halaman ng Saudi.

Kanino kaya galing ang mga sulat?

Binuksan ni Sam ang isang sulat. Naninilaw na rin ang bond paper na sinulatan. Ginawa ang sulat noong 1988. Pinasadahan niya ng basa.  (Itutuloy)

HUMANGA

LOLA CION

LOLO ADO

MAMA BRENDA

MATANDA

NAKITA

NANG

SAM

  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with